“Medical school sa Benguet kailangan na”

Kamakailan lamang, ipinukala ng magiting na mambabatas ng Benguet na magkaroon na ng College of Medicine ang Staterun Benguet State University sa La Trinidad, Benguet.

Ayon kay Congressman Eric Go Yap, malaking tulong sa mga komunidad sa Benguet ang hangarin ng House Bill 10559.

Napakaraming kabataang naghahangad na maging kasama sa solusyon sa suliraning mahirap makahanap ng isang doktor sa mga komunidad lalo na sa mga liblib sa bingit ng pangangailangang medikal.

Ngunit balakid ang pangarap ng mga kabataang maging mangagamot ang napakataas na mga bayarin upang maging ganap na doktor. Bukod pa dito’y, dalawa lang ang medical schools sa Cordillera.

Napipinto na ang sagot. Ang Benguet State University College of Medicine na maghahain ng opurtunidad upang maisakatuparan ang pangarap ng mga kabataan sa kalidad na medical education at training na abot kaya at libre sa mga karapat-dapat na mga mag-aaral.

Kaakibat ng HB 10559, una nang ihinain ni Cong. Yap sa Kamara ang “Doktor Para sa Bayan Act (RA 11509)” na nagtatalaga ng Medical Scholarship and Return Service Program (MSRS) para sa magaaral sa State Universities and Colleges (SUC) na nag-ooffer ng medical courses.

Sa implementasyon nga naman ng kambal na MSRS program at College of Medicine sa BSU, iluluwal na ng Benguet ang mga makabagong “doktor sa barrio”.

Sa kinalaunan, tutuldukan na ang matagal nang kakulangan ng mga manggagamot lalo na sa mga laylayan at kasuluksulukan ng bansa.

Hindi kaila ang kahalagahan ng mga mangagamot lalo na sa pananalasa ng pandemya. Tiyak may mga susunod pang pandemyang medikal kanya’t mabuting handa ang susunod na henerasyon dito.

Amianan Balita Ngayon