Mga ahensiya ng gobyerno kaniya-kaniya na ang diskarte, Pangulo dapat nang kumilos

Opinion

Ma ikaanim na buwan ng paglaban natin sa pandemya ng COVID-19 ay tila watak-watak pa rin ang mga diskarte ng mga ahensiya ng gobyerno na bumubuo sa Inter- Agency Task Force. Tila
walang koordinasyon sa mga bagong panuntunan na gustong ipatupad sa kanikanilang sektor.

Sa dami ng mga negatibong reaksiyon at batikos sa mga hakbang ng gobyerno sa paglaban sa pandemya ay dumaragdag pa ang mismong mga ahensiya ng gobyerno na naglalabas ng mga magkakasalungat na pahayag at mga bagong panuntunan.

Sa magkakaiba at salasalabat na mga puna, opiniyon at mga mungkahi ng ilang personalidad, mga grupo, kritiko at oposisyon ay bugbog-sarado na ang gobyerno. Salag dito at salag doon ang ginagawa maipakita lamang na napapamahalaan nito ng mabuti ang krisis.

Ang daming mga nagsasalita sa publiko, kaniyakaniyang pagalingan, ang iba halata namang nais lamang magingay at pumapel para tumunog ang mga pangalan. Dahil dito ay nalilito na ang mamamayan kundi man naiinis na sa mga nangyayari, dahil imbes na mag-kaisa sa paglaban ay kaniya-kaniya.

Ilang araw lamang ang nakalipas nang sabihin ng pinuno ng LTFRB na hindi at wala namang advisory o inilabas na kautusan ang ahensiya na kailangan ang “plastic barrier” sa mga pampasaherong jeepney na ikinainis ng maraming tsuper at operator dahil gumastos lamang sila, higit pa dito ay tila “ginagago” sila sa sali-saliwang mga pahayag. Ngunit dahil nais din nilang sumunod at maging responsableng mamamayan ay pananatilihin na lamang nila ang mga plastic barrier na ito.

At ito lang ay nagpalabas naman ang DOTr ng advisory na babawasan na ang distansiya ng pagitan ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan na mula isang metro ay magiging .75 metro at sa mga susunod na panahon kung mapatunayang epektibo at walang hawaan ay ibababa pa ito sa .30 metro hanggang .05 metro. Lumabas na hindi daw inaprubahan ng buong IATF ang planong ito ng DOTr at lumabas pa rin na tutol ang DILG at DOH sa hakbang na ito.

Hati-hati ang reaksiyon ng tao at mga marurunong ukol sa bagay na ito, ngunit tila mas nakararami ang mga tutol dito. Katunayan ay sabi pa ng ilang LGU ay kahit aprubahan ito ng IATF at ng Pangulo ay pananatilihin pa rin nila ang isang metrong pagitan sa kanilang mga lugar.

Maraming beses na nagpupulong ang IATF at mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte ukol sa krisis at halos linggo-linggo ay may pampublikong pahayag ang Pangulo, pero kapansinpansin na tila walang konkreto at tiyak na mga solusyon o hakbang na malinaw na katanggap-tanggap sa tao.

Mga pag-uulat lamang ng mga ahensiya ang palaging sinasabi sa Pangulo na parang paulit-ulit lamang na pahayag. Tunay na hindi madali para sa gobyerno ang krisis na ito, maliban sa bagong pagsubok ito ay napakagrabe pa ito dahil sa pandaidigan ang pinsala.

Totoo naman na nagpupursige ang gobyerno upang malabanan ang pandemya, ngunit sa mga hindi nagkakasundo na mga ahensiya ay lalong nagpapabigat sa trabaho ng Pangulo.
Marahil ay panahon upang tingnan at suriin na ng Pangulo ang tunay na nakakatulong sa kaniya at mga pabigat lamang sa kaniyang gobyerno.