Mga armas at bala, kumpiskado sa Benguet

LA TRINIDAD, BENGUET – Ilang mga armas at bala ang kinumpiska ng mga awtoridad sa Upper Shamolog, Pico, sa bayang ito noong ika-17 ng Pebrero.
Sinalakay ng La Trinidad police ang nasabing lugar dahil sa impormasyong mayroon umanong nagpapaputok ng baril.
Nadakip si Peter Chinalpan, 48 anyos, construction worker mula sa Sagada, Mountain Province, at nakuha sa kanya ang apat na .45 caliber na handgun, isang Magnum .357 at 45 na bala ng baril.
Tinangka umano ni Chinalpan na tumakas ngunit nahuli rin siya ng mga awtoridad. Bigo rin itong magpakita ng lisensya sa mga nakumpiskang baril.
Ayon sa pulisya, si Chinalpan ay hinihinalang miyembro ng Cordillera People’s Liberation Army (CPLA).
Ayon kay Benguet Provincial Director Senior Superintendent Lyndon Mencio, ang CPLA ay isa lamang sa ilang mga armadong grupo na nagtayo ng kampo sa Upper Shamolog, Pico.
Dagdag pa ni Mencio, nagalerto ang regional mobile battalion dahil sa diumano ay maraming armado sa nasabing lugar, ngunit na-contain na ang sitwasyon dahil sa aksyon ng Benguet Provincial Police Office.
Natunugan naman ng ibang grupo ang planong pagsalakay ng mga awtoridad sa lugar kung kaya nakataas ang mga ito.
Ayon kay La Trinidad Municipal Police Station head, Chief Inspector Benson Macli-ing, kukumpirmahin pa nila kung totoo ngang miyembro si Chinalpan ng CPLA.
Sinampahan na ng kasong paglabag ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act si Chinalpan.
Ayon sa Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulations Act, maaaring makulong ang sinumang mahulihan ng hindi lisensyadong baril ng 30 taon.
Lahat ng nahuling mga baril at bala ay dinala na sa crime laboratory upang suriin sa ballistic examination at fire arm verification sa Regional Civil Security Unit ng Police Regional Office-Cordillera.
Patuloy naman ang kampanya sa responsible use of firearms ng Philippine National Police sa buong bansa sa pangunguna ni PNP Director General Ronald “Bato” Dela Rosa. RC BJON C. CATACUTAN, UB Intern

Amianan Balita Ngayon