Mga bagong batas ni Presidente Duterte sana’y para sa ginhawa at di pampalubag lamang

Sabi nila ang buwan ng Pebrero ay buwan ng mga puso at pag-ibig, marahil ay tama nga ito dahil sa buwang ito ay may siyam na bagong batas ang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo R.  Duterte, at ang ilan dito ay mga pangako niya at priority bills na binigyang-diin sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA) bilang handog niya sa mga Pilipino.
Una ay ang “Expanded Maternity Leave Act” na nagbibigay ng karagdagang leave benefits sa mga nagtratrabahong nanay na nagpapalawig sa paid leaves mula 60-78 araw sa 105 araw.
Sa ilalim nito ang lahat ng nagtratrabahong nanay sa gobyerno at pribadong sektor ay garantisadong may 105 araw na paid maternity leave credits, may pitong araw na maaaring ilipat sa mga tatay at 15 pang araw na bakasyon ang ibibigay sa mga single mothers.
Pangalawa ay ang “Universal Health Care Act” na magbibigay ng healthcare coverage sa lahat ng mga Pilipino kung saan ginagarantiyahan ang pantay at karampatang access sa “quality
and affordable health goods and services” at proteksiyon laban sa financial risks.
Otomatikong miyembro na ang lahat ng Pilipino sa National Health Insurance Program (NHIP), na kabilang ang PhilHealth.
Ang UHC ay 30 taon ang inabot bago maging batas.
Pangatlo ang “Rice Tarrification Law” na layong pagaanin ang regulasyon sa pag-aangkat at pag-export ng bigas.
Sa bagong batas ay mababawasan ang papel ng National Food Authority sa pamamahagi ng “buffer stocks” sa panahon ng mga kalamidad at tinatanggal ang papel nito sa retailing at
pagbebenta ng NFA rice.
Subalit binatikos ng mga kritiko ang batas dahil diumano’y libo-libong trabaho ang maaapektuhan partikular ang mga magsasaka at mga empleyado ng NFA.
Pang-apat ay ang “Mobile Number Portability Law” na hinihingi at nag-uutos sa mga mobile service providers na magbigay ng nationwide mobile number portability sa mga subscribers.
Ipinapataw sa batas na ito ang “no interconnection fee policy” sa mga gumagamit ng domestic calls at text messages.
Pang-lima ang “The New Central Bank Act” na magpapalakas at magpapalawak sa regulatory powers ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa ibang non-bank financial institutions gaya ng money service businesses, credit-granting businesses, at payment system operators.
Nabigyan din ang BSP ng napalawig na kapangyarihan para magpataw ng administrative at criminal sanctions at maaari din itong magpawalang-bisa ng mga kita mula sa di-otorisadong
transaksiyong pinansiyal.
Pang-anim ay ang Republic Act 11201 o ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) kung saan pinagsama na ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).
Pang-pito ang “Republic Act 11206” o ang “Secondary School Career Guidance and Counseling Act” na nagtatatag ng isang mandatory career guidance and counseling program para sa lahat ng secondary schools sa pribado at pampubliko bilang gabay para sa tertiary
education.
Pang-walo ay ang “Tax Amnesty Act of 2019” na layong pampuno sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na nagpapahintulot sa gobyerno na lumikom ng kita para sa priority infrastructure at social programs habang iniibsan ang bigat ng mga may dati nang pagkakautang sa buwis.
Sa paghimok ni Pangulong Duterte ay isinama ng kongreso ang mga “safeguards” para masiguro ang katotohanan ng asset o net worth declarations gayundin ang otomatikong palitan ng impormasyon.
Pang-siyam ay ang Republic Act 11232 na magpapabago sa matagal ng “Corporation Code” upang gawing mas kaakit-akit ang Pilipinas bilang lugar ng pamumuhunan.
Pinapayagan sa batas ang isang nag-iisang tao na lumikha ng isang korporasyon, tinatanggal ang requirement sa minimum capitalization, hahayaan ang electronic filing ng reportorial
requirements, papayagan ang attendance sa meetings sa pamamagitan ng remote communication o in absentia, at magbibigay proteksiyon sa mga minority stockholders.
Ginawang simple sa bagong batas ang name verification process at pagkakaloob ng perpetual life bilang default option para sa mga korporasyon.
Maaaring sabihin ng iba na hindi naman pag-ibig ang dulot ng mga bagong batas kundi pahirap sa mamamayan, subalit ang mga batas ay hindi naman agad mararamdaman ng tao ang epekto o kabutihan dahil kailangan ng panahon para maging realidad ito at maramdaman ng mga mamamayan.
At kapag umepektibo na ang mga layunin ng mga batas ay pangmatagalan naman ang benepsiyong makakamit – ito ang mas mahalaga, masiguro ang kinabukasan lalo na ng susunod na henerasyon at hindi parang isang “lollipop” na pampalubag sa dumadaing na bata.
 
 
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon