Mga contacts ng UK Variant cases sa Baguio mahigpit na sinusubaybayan

LUNGSOD NG BAGUIO – Ang mga naka-base sa Lungsod ng Baguio na kamag-anak at mga nakasalamuha ng mga kaso ng Coronavirus disease (COVID-19) UK variant sa La Trinidad, Benguet at Bontoc Mt. Province ay mahigpit na sinusubaybayan ngayon upang masawara ang sakit. Sinabi ni Mayor Benjamin Magalong na ang ikatlong kaso ng UK variant sa La Trinidad, na siya ring kauna-unahang naitalang namatay mula sa mas nakahahawang variant, ay may mga kamag-anak sa isang barangay sa lungsod na itinuring bilang “secondary contacts” ng pasyente.
Sinabi ng mayor na ang mga kamag-anak ay direktang nakasalamuha ng apo ng pasyente ng UK variant at kalauna’y nagpositibo ang bata sa COVID-19 ngunit hindi pa madetermina kung ito ay ang tipo ng UK.
Sinabi ng contact traing team ng lungsod na ang mga contacts na nasa apat ang bilang ay sa iisang sambahayan. Maliban sa monitoring at pagsasa-ilalim sa mga pasyente sa mga test, ang sambahayan ay inilagay sa granular lockdown upang mahigpitan ang kanilang mga paggalaw at maiwasan ang pakikisalamuha sa ibang tao.
Maliban sa mga kamag-anak, may hindi pa matukoy na bilang nga health workers na humawak sa namatay na pasyente at kaniyang pamilya ay isinama rin sa monitoring. Ang ikatlong kaso, isang 84 taong gulang na lalaki na namatay sa isang ospital sa Baguio noong Enero 24 ay walang koneksiyon sa unang dalawang mga kaso base sa resulta ng link analysis na ginawa ng contact tracing team ng lungsod.
Sinabi ni Magalong na ang mga contact ng unang kaso kabilang ang ilang ka-trabaho na mga residente ng lungsod ay natukoy na at na-isolate at ang mga nagpositibo sa virus at naghihintay pa ng mga resulta ng genome sequencing upang madetermina kung nahawa rin sila sa UK variant.
Sinabi ng contact tracing team na may kabuuang 38 close contacts ang natukoy na kasama ang mga kasama sa trabaho ng index case at kaniyang mga magulang at kapatid. Inulit-ulit ng mayor ang high probability na ang variant ay nakarating na sa Baguio dahil sa ang mga magulang ng unang kaso ay nagsilbi sa mga kliyente sa Baguio. Ito ay maliban sa katotohanan na ilan sa kanilang natukoy na contacts ay hindi maayos na nakasunod sa quarantine protocols.
“With that we can safely assume that most probably, we have the UK variant in our city,” pagdidiin ng mayor. Maliban sa mga contact ng mga kaso sa La Trinidad, inilagay din ng lungsod sa mahigpit na pagsubaybay ang lima pang COVID-19 na positibong residente sa dalawang barangay na may kaugnayan (links) samga kaso ng UK variant sa bayan ng Bontoc. Isa sa mga kaso ay nasa pagtitipon ng pamilya na dinaluhan ng 12 UK variant cases sa bayan habang ang isa ay direktang contact ng isa sa mga kaso na hinawaan ang tatlong miymbro ng kaniyang sambahayan.
Nakapagtala ang Department of Health ng kabuuang 25 UK variant cases sa bansa hanggang Pebrero 10, 15 dito ay sa Bontoc at tatlo sa La Trinidad. Sa kabuuang bilang, 22 dito ay gumaling na.
(AAD/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon