MGA EKSENA NI COVID-19, GRABE!

Habang sinusulat ang pahinang ito…di pa ibinababa ni Pangulong Duterte ang kanyang pinal na desisyon sa Enhance Community Quarantine…pero grabe na ang mga eksena ng Covid-19. Salasalabat na ang mga samotsamot na kaisipan at mga maaring mangyari sa mga araw na darating. Ang iba, pinangungunahan na ang desisyon ni Pres.Duterte. Ating himayin at halukaying
maigi upang maliwanagan ang mga isyu.

May mga eksena sa kaisipan ng iba na kapag nagpatuloy daw ang ECQ pagkatapos ng April 30…marami ang patuloy na walang trabaho. Masakit ito para sa mga pamilya o indibidual na kahit isang duling na sardinas at banlag na noodles ay wala pang natatanggap. Natural, lalong titindi ang kanilang sama ng loob sa pamahalaan. Titindi ang hinalang may pinipili lalo pa’t lantad naman sa lipunan na maraming maalwa ang buhay ang nakatanggap na.

Titindi ang hinala na mga pinagpala ng mga opisyales ng barangay lang ang parang anak ng Diyos sa puntong ito. At alam natin na kung sukdulan na ang pagkalam ng sikmura, nakakaisip at
nakakagawa ang isang tao ng hindi maganda. Hindi lingid sa marami na nang magsimula na ang bigayan ng relief, umaasa ang lahat na sila ay maabutan. Suwerte ang nagkaroon. Malas sa mga hindi. Sabagay, ang sinabi noong una na ang lahat ay makakatanggap ng ayuda, pero nabawi at
sinabing…hindi lahat ay makakatanggap na ang ibig sabihin ay talagang pipiliin ang mga bibigyan.

Tsk tsk…grabeng kontrobersiya! Sakaling tuloy pa rin si ECQ….tuloy pa rin ang problema sa negosyo, di ba? Maaring may mga magbubukas na pero hindi lahat. Maaring mga kinakailangan o essential lang na mga negosyo muna ang magbubukas at saka yong “less essential”. Pero teka, pards…ano nga ba ang mga negosyong hindi kinakailangan ngayon? Di ba kailangan lahat? Siguro, depende sa priyoridad.

Natural, matik din na masisiyahan ang mga empleado ng mga negosyong magbubukas na at sama ng loob naman sa panig ng mga di pa makakapagtrabaho. Ang masakit sa lahat ng masakit…ay
yong mga negosyong di na makakapagbukas dahil nangalugi na. Maghahanap ulit ng bagong mapapasukan ang mga kawawang empleado. At yong iba namang negosyo, maaring magbabawas na ng empleado dahil di pa agad makakabawi sa kalugihang bunga ng pagsasara na gawa ni Covid-19. Sa madaling salita…ang buong bansa ay apektado kung ekonomya ang usapan. Meron mang alalay ang gobyerno, hindi lahat ay mabibiyayaan lalo na sa mga maliliit na negosyo.

At sakaling manatili ang ECQ…patuloy na mauunsiami ang pag-aaral ng mga estudyante, di ba? Sa mga tamad mag-aral, piyesta sa kanila. Sa mga masisipag, manghihinayang. May mga magulang na gustong maantala muna ang pasukan, pero mas marami tiyak ang kontra. Sabi kasi ng mga eksperto sa social distancing, kapag balikeskuwela na hindi pa kontrolado ang Covid-19, tiyak daw na lolobo na naman ang bilang ng mga maaring dapuan ng naturang sakit. Sa panahon daw na nariyan pa ang mapanganib na virus at wala pang tuklas na gamot, lubhang delikado ang pagsisiksikan na naman ng mga estudyante sa mga paaralan.

Tsk tsk…talagang marami pang problema ang dapat isaalangalang bago ibaba ang pinal na desisyon sa ECQ. Nasa kamay nalang ito ng mga eksperto sa seguridad at kalusugan ng kumunidad na di naman naisasantabi ang ating pagunlad. Abangan na lang natin ang final judgement, mga pards.
Idalangin natin na sana ay TAMA ang hakbang. Adios mi amor ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon