MGA EKSENA SA SEMANA SANTA!

Tapos na ang Semana Santa ngunit maraming eksena ang sumabay at naging kontrobersiya. Ito ang ating hihimayin sa ating daplis baka makaambag ng kahit munting alalay o tapik: Ayon sa mga ulat mula sa mga otoridad…umabot o baka lagpas pa ng walumpo-katao ang nasawi noong Semana
Santa na karamihan ay pagkalunod. May mga nalunod dahil lasing, hindi marunong lumangoy at may mga walang kasama at kung meron may, sila’y hindi inalalayan.

Karaniwan kasi, kapag nahuntahan na ang mga marites at napasarap ang usapan, nakakalimutan na nilang may mga dala pala silang mga anak. Saka lang sila maaalimpungatan kapag nalaman nilang nalunod na pala ang mga ito. Malaking kapabayaan kung tutuusin dahil may mga resorts naman na may mga lifeguards. Pero kung maraming tao, hindi lahat ng sakop ng resort ay kanilang
namomonitor. Marami ng biktima ang nalulunod dahil sa pagwawalang-bahala.

Sa parte naman ng mga barako, pag nalasing, nagpapasikatan pa sila sa pagalingang lumangoy kahit lalampalampa na sa kalasingan. Ayon sa mga eksperto, may mga dalampasigan (dagat) na malakas ang under current o kaya ay biglang lalim. Magsisi man sila, huli na. Nakisabay din ang mga sunog noong Holy Week. Sa tala ng mga otoridad, sa loob lamang ng isang linggo….maraming naganap na sunog sa iba’t-ibang lugal sa bansa. Natural, maraming namatay at nawalan ng ari-arian. Kapabayaan din ang sinasabing dahilan ng mga sunog na ito.

Dito lang sa ating rehiyon, ilang sunog din ang nangyari. May sunog sa Mt. Province kung saan ay ilang mga bahay ang natupok. Sa Benguet, meron ding naganap na sunog kung saan ilang bahay din ang nasunog. Katunayan nga ay isang empleado pa ng PTV4 ang isa sa mga nasunugan. At gaya
ng puna ng ilang taga-Baguio City hinggil sa pagkilos ng Fire Station (Baguio)…medyo natagalan daw ang mga bumberong makarating sa nasusunog noong Block 3 at Block 4.

Ayon sa mga analyst…sa Irisan pa raw nagmula ang mga bumbero dahil doon nga sila inilipat mula sa CBD. Sabi naman ng iba, may kasabay daw kasing sunog na pinuntahan ng kanilang puwersa kaya parang nahati raw ang kanilang lakas nang masunog ang palengke. Tuloy may nagpapanukala na sana ay may italaga silang mga fires trucks din dito sa CBD para mabilis at agad ang aksyon kapag may sunog. Sana daw ay makita ito ng LGU. May suhestiyon pa na dagdagan pa sana nila ang bilang ng mga pamatay-sunog at ikalat sa lahat ng malalaking distrito.

Hindi lang lunod at sunog ang mga kontrobersiyang nangyari noong Semana Santa. Nariyang tumindi pa ang tensiyon sa WPS sa pagitan ng China at Taiwan. Nasaktan daw kasi ang China sa ginawa ng Taiwan na kumonsulta pa raw sila sa Amerika. Tuloy marami ang nangamba na kung hindi maapula ang tensiyon, baka madadawit din ang Pilipinas dahil malapit lang tayo sa kanila.
Ayon sa mga analysts na sumusunod sa mga nagaganap sa WPS, dapat ay sumunod naman sana ang China kung ang ano ang legal sa isyu ng teritoryo.

Kasi nga, kapag tumindi ang tensiyon, alangan nama ng pababayaan tayo ng ating mga kaalyado gaya ng Amerika, Japan, Australia, South Korea at iba pang nasyon. At kapag nasaktan uli ang
China…ano na ang mangyayari? Ayaw na natin ang giyera. Nagdaan na tayo riyan. Sa diplomasya na lang natin idaan ang lahat. Sana!!!! Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon