Mga employer sa Pangasinan hinikayat na sumunod sa OSH law

LUNGSOD NG DAGUPAN, Pangasinan – Hinikayat ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya o Department of Trade and Industry (DTI) ang mga employer sa lalawigan ng Pangasinan na gawing mas ligtas at mas nakabubuti sa kalusugan ng mga empleyado ang kanilang mga kumpanya para maproteksyunan ang lahat ng mga manggagawa mula sa anumang panganib sa kanilang kapaligiran kapag nasa trabaho.
Ayon kay DTI Pangasinan provincial director officer-incharge Natalia Dalaten, bilang isa sa mga miyembro ng Inter-Governmental Coordination and Cooperation Committee, pinapaalalahanan ng DTI ang mga employer at business owner na agad sumunod sa mga probisyon ng Republic Act (RA) 11058 at bumuo ng angkop na occupational safety and health program alinsunod sa format na ibinaba ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ani Dalaten ang mga may ari ng negosyo ay dapat magpatupad ng Occupational Safety and Health Standards (OSHS) at magtalaga ng kahit isang safety officer upang matiyak na ang kanilang occupation safety and health program ay alinsunod sa mga probisyon ng RA 11058.
Ang RA 11058 ay isang batas na nagpapatibay sa pagsunod sa mga Pamantayan sa Kaligtasan at Kalusugan (OSH) ng lahat ng mga establisyemento, mga lugar ng proyekto, at lahat ng iba pang
mga lugar na pinagtatrabahuhan.
Sa ilalim ng RA 11058, ang bawat employer, kontratista o sub-kontruktor at sinumang namamahala, kumokontrol o nangangasiwa sa isang kumpanya ay dapat magkaloob sa mga manggagawa ng isang lugar ng trabaho na ligtas mula sa mga mapanganib na kondisyon na nagdudulot o maaaring maging sanhi ng kamatayan, sakit o pisikal na pinsala sa manggagawa.
“Sa pagpasa ng RA 11058, ang mga manggagawa ay protektado na laban sa lahat ng panganib sa kanilang kapaligiran sa trabaho at may karapatang tumanggi na magtrabaho nang walang pananakot at pagganti mula sa employer kapag may banta o sitwasyon na nalalapit sa panganib at tinukoy ng DOLE,” ani Dalaten.
Samantala, hinikayat ni Dalaten na bumisita ang mga employer sa opisina ng DTI-Pangasinan na matatagpuan sa 2nd Floor ng Star Building sa Dagupan City o tumawag sa telepono bilang (075)- 551-3183 or 529-6177 para sa karagdagang impormasyon at katanungan ukol sa OSH at sa pagsasanay ng kanilang mga safety officers.
PIA-1/PMCJr/ABN

Amianan Balita Ngayon