Mga eskwelahan, Buksan na ASAP!

ILOCOS NORTE -Iginiit ni Senador Imee Marcos na dapat nang buksan ang face-to-face classes sa madaling panahon sa mga eskwelahang may kakayahang magpatupad ng health protocols
kontra sa pagkalat ng Covid-19.
Binigyang diin ni Marcos na maaaring makikitaan ang mga eskwelahan na may virus sa komunidad na kinabibilangan nito pero wala namang pruwebang sa mga paaralan nagmula o kumakalat ang virus.
“Ang Pilipinas ang napagiiwanang bansa na patuloy na nakasarado ang mga eskwelahan,” ani Marcos.
Kasabay nito, kinondena ni Marcos ang IATF-EID (Inter- Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) na naging prayoridad at nag-isyu ng resolusyon noong a-kinse ng Oktubre para sa buksan na ang mga sabungan kaysa mga eskwelahan. “Ang mga sugal na ba ngayon ang mas mahalagang aktibidad para sa mga Pinoy at ang edukasyon na ang walang kabuluhang luho?” tanong ni Marcos.
Samantala, kumpyansa naman si Marcos na istrikong makasusunod ang mga guro at mga estudyante sa pagsusuot ng mga face mask at face shield gayundin sa physical distancing sa mga silid-aralan at iba pang mga health protocol.
“Sa mga komunidad kung saan kontrolado na ang pagkahawa sa sakit, alam natin na istrikto ang pagpapatupad ng mga protocols tulad ng pagsusuot ng face masks, paghuhugas ng kamay, bentilasyon, distansya sa isa’tisa, priority testing at tracing, kaya tiyak na mapipigilan ang pagkahawa sa mga paaralan,” ani Marcos.
“Mas ligtas na makapagta-trabaho ang mga tagapagturo sa paaralan, at ito ang pinakaligtas na lugar para sa mga bata sa panahong may pandemya,” dagdag ni Marcos. Makakapag-trabaho din muli ng maayos ang mga magulang o kaya’y makapaghahanap ng trabaho, pagkatapos silang mapilitan na manatili sa bahay para turuan ang mga anak bunsod ng blended learning, giit pa ni Marcos.
“Substandard ang learning modules, may ilang mali sa remote learning, at pati ang estado sa buhay ay naging dahilan ng pagkakaroon ng learning gaps sa pagitan ng mga may kaya at walang kakayahan, mga konektado sa internet at mga isolated, mayaman at mahirap,” pagdidiin ni Marcos.
Dagdag ni Marcos, dapat magsilbing babala ang mga napaulat na pagpapakamatay ng ilang kabataan dahil sa hirap ng buhay at hindi naka-adjust sa blended learning, kung saan sila’y napagkaitang magkaroon ng social at peer relationships sa mga paaralan.
“Tiwala ako sa ating mga guro, school boards, parent-teacher associations, at education committees sa mga lokal na pamahalaan na magdesisyon para sa kanilang mga nasasakupang kabataan. Sila ang nagsisilbing frontliners natin sa edukasyon,” ani Marcos.

Amianan Balita Ngayon