Mga estudyante, hinimok ng CHED-CAR kumuha ng gov’t scholarship

LA TRINIDAD, Benguet – Tumatanggap pa rin ang Commission on Higher Education –Cordillera Administrative Region (CHEDCAR) ng mga aplikasyon para sa scholarships sa ilalim ng Student Financial Assistance Programs (StuFAPs) hanggang Abril 30.
“One of the thrusts of CHED is to provide access to quality education among financially disadvantaged but academically deserving students,” ani Christine Soriano, CHED-CAR StuFAPs Coordinator.
Nitong Abril 11 ay mayroong 1,143 mag-aaral na nag-apply para sa StuPAFs, 614 dito ay senior high school graduates at 529 ay mga estudyante na nakakuha ng units sa kolehiyo.
Mayroong tatlong kategorya sa ilalim ng programa – ang State Scholarship Program (SSP), Private Education Student Financial Assistance (PESFA) at ang Grant-in-Aid (GIA) o ang Tulong Dunong Program (TDP).
Ang mga aplikante sa SSP full scholarship ay dapat mayroong general weighted average na kahit 90 porsiyento at 85 porsiyento sa partial scholarship.
Ang mga aplikante sa PESFA ay dapat nagtapos sa high school at ang mga magtatapos pa lamang sa high school na may general weighted average ng 85 porsiyento at mga aplikante sa GIA o TDP ay dapat may passing grade sa lahat ng asignatura.
Ang mga kuwalipikado sa ilalim ng SSP ay tatanggap ng PhP30,000 assistance per academic year, PhP15,000 para sa grantees ng PESFA per academic year, at mula PhP6,000 hanggang PhP12,000 para sa mga kuwalipikado sa GIA o TDP dapende sa tuition at iba pang bayarin na hinihingi ng hingher education intstitutions (HEIs).
Sinabi ni Soriano na upang maging kuwalipikado, kukuha ang mga aplikante ng isang college program na nakalista sa ilalim ng priority courses ng CHED; Filipino citizen; high school graduate; annual gross income ng pamilya na hindi lalagpas sa PHP300,000.
Sinabi niya na ang mga nasabing grantee ay makakakuha lamang ng isang CHED scholarship. Para sa school year 2018 -2019, mayroong 7,377 estudyante sa Cordillera na kumuha ng StuFAPs scholarship program ng CHED.
Mayroong 6,975 grantee na kuwalipikdao sa GIA, 254 grantee sa ilalim ng SSP at 148 sa PESFA.
Sinabi ni Soriano na may kabuuang 42 HEIs sa rehiyon na nakipag-kaisa sa scholarship program ng CHED. Dagdag pa niya na ang General Appropriation Act of 2019 ay naglaan ng halagang PhP2.65 bilyon para sa scholarship programs ng CHED sa buong bansa.
Ang mga interesadong mag-aaral na nagtapos sa senior high school, at mga nakakuha ng unit sa kolehiyo ay dapat magprisinta ng kanilang certificate of grades, latest Income Tax Return (ITR) ng mga magulang o guardian at certificate of good moral character sa CHED regional offices o sa pamamgitan na kanilang school scholarship coordinators.
 
PNA/PMCJr/ABN

Amianan Balita Ngayon