MGA IMBESTIGASYON… KAILAN KAYA MATATAPOS???

Sa kasalukuyan, tambak ang mga kaso at isyung iniimbetigahan. Tambak din ang mga tanong: kailan ito matatapos? Kasunod na mga tanong: may hustisya o hahanapin pa? Ito ang mga
eksenang kinahaharap ng ating bansa ngayun na kung kailan magwawakas…panahon na lang ang magdidikta. Kaliskisan nga natin ito mga pards: Kamakailan, napaulat sa pamamagitan ng DOJ na
darating na sa bansa (May 17) si suspended Rep. Arnulfo Teves. May dumating ba? Wala! Sabi ni Sec. Remulla (DOJ) na may mga sources sila na darating talaga si Teves.

Pero sabi naman ni Teves sa panayam sa kanya ng media: “siya dapat ang paniwalaan at wala ng iba.” So, in short…”fake news” na naman ang umiral. Pati nga ang mga saksi diumano na noong una ay nagdiin kay Teves…umatras na at ayaw nang magsalita, ayon sa kanilang abogado. Sus mariakusina. Papano na ang mga alegasyon laban kay Teves. Tambak pa naman ang mga kaso laban sa kanya ang dinala ng NBI sa DOJ. Ibig sabihin na tambak din ang mga katanungan ng bayan kung saan patungo ang mga kasong to.

Natural, idagdag muli natin sa mga sandamukal na mga isyu at kasong iniimbestigahan ng mga
otoridad at korte sa kasalukuyan. Ang isa pang kontrobersiya na nakasalang sa imbestigasyon ay ang mga nagaganap na mga power interruptions. Ayon sa mga ulat, ang NGCP ay di pala buong sa
atin. Ang 40% pala nito ay pagaari ng Tsina. Kaya’t may panukala ang ilang mambabatas na dapat ay bilhin na eto ng Pilipinas upang 100% atin ang NGCP. Pero teka lang, mga pards…bakit ngayon lang yata nabubulgar ito? Dahil kaya sa mga brown-out o black out sa nakalipas na mga araw?

Ayon sa mga mabusising analyst: kung pag-aari pa rin ng Tsina ang 40% sa NGCP…di kaya maaring may magaganap na sabotahe kung sakali? Iniimbestigahan pa rin ito. May panukala na yong sobra daw na koryente sa Mindanao ay dalhin na lamang sa Luzon. Pero teka lang….di ba noong nakalipas na mga rehime, may pagkakataon na nagkulang ang Mindanao ng koryente at generators pa ang dinala doon mula Luzon? Ngayon, parang baliktad na yata, di ba? Pagkatapos ng halos pitong taon na nakakulong si Sen. Laila de lima dahil diumano sa illegal na droga sa Bilibid….pumutok ang malaking balita kamakailan na napawalang-sala ito.

Bale dalawa na ang kasong may kinalaman sa droga ang nabasura pabor kay De Lima. May isa pang kaso ang natitira. Marami ang kinakabahan sa mga nangyayari. Paano daw kung sakaling tuluyang
mapapawalang-sala ang senadora, ano kaya ang mangyayari? Sabi ng mga praktikal: natural na gaganti siya upang makabawi sa pagkakakulong nito. Kilala natin ang pagkatao ng senadora: palaban at hindi umaatras. At kung magkakatotoo ang mga hinala….patung-patong na namang imbestigasyon ang susunod na kabanata sa buhay ng senadora. Muli, ang tanong: kailan matatapos ang mga kontrobersiyang ito?

Mabalik tayo kay Rep. Teves at kauring mga eksena sa lipunan. Makakabuti na siya ay umuwi at harapin ang mga paratang. Ganun din sa mga kababayan natin na pinaghahanap ng batas, mas
makakabuting lumantad at humarap sa imbestigasyon. Ang masaklap kasi sa Sistema ng hustisya, napakatagal ng imbetigasyon. Sabi ng mga analysts: aanhin pa ang hustisya kung huli na. Papano
ang mga taong akusado, nagdusa, na sa dulo ay mapapawalang-sala? Papano na ang kanyang hirap at reputasyon sampu ng kanyang pamilya? Nasaan ang karampatang hustisya? May kasabihan: aanhin mo ang damo kung patay na ang kabayo. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon