Mga kabahayan, establisimiyento sa Baguio kailangan nang may composting areas

LUNGSOD NG BAGUIO – Di-magtatagal ay hihilingin na ng pamahalaang lungsod na kailangan nang makaroon ang mga kabahayan at establisimiyento ng sariling composting areas para sa nabubulok na basura, ayon sa isang opisyal nitong nakaraang Miyerkoles.

Sinabi ni Eugene Buyucan, pinuno ng General Services Office (GSO) ng lungsod na sinuman ay maaaring magcompost ng kanilang sariling nabubulok na basura dahil simple lamang ang paraan at nangangailangan lamang ng maliit na espasyo kahit sa mga bahay na walang bakuran.

“Makakagawa na tayo ng compost fertilizer pero dapat ang residente mismo magadopt pa rin ng waste management, magcompost ng nabubulok na basura,” ani Buyucan na ang opisina niya ang humahawak sa mga isyu ng basura ng lungsod.

Sinabi ni Buyucan na kung gagawin ng mga residente at establisimiyento ang composting method ay hindi na kailangan koletahin ng lungsod ang mga nabubulok na basura.

Sinabi din ni Buyucan na kumukolekta ang lungsod ng average na 50 tonelada ng nabubulok na basura, na karamihan ay mula sa city market at prinoproseso sa Environment Recycling System (ERS) ng lungsod sa dating Irisan dumpsite.

Matapos maproseso ay 12 tonelada ng compost ang nagagawa. Sinabi ng opisyal na ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act ay humihiling sa mga residente na pamahalaan ang kanilang nabubulok na basura sa pagkakaroon ng sariling compost pits o lalagyan.

Hinihimok din ng batas ang mga residente na paghiwalayin ang kanilang mga basura – biodegradable, residual, recyclable. Hinihiling din sa mga may-ari ng negosyo na gawin ang mga composting method.

Sinabi ni Buyucan na obligasyon ng mga residente ang backyard composting sa ilalim ng mga probisyon ng batas na tulungan ang mga ahensiya ng gobyerno at local government units na tugunan ang problema sa pagtatapon ng basura sa kanilang mga nasasakupan.

Sinabi niya na maaaring mag-urban gardening ang mga residente sa kanilang mga bahay gamit ang compost soil na kanilang nagawa.

“If everybody will do compost, we can have successful urban gardening where residents would be able to produce simple vegetables for their consumption,” aniya.

Dagdag pa niya na ang simpleng paraan ng composting ay nangangailangan lamang ng kahit anong lalagyan para maimbak ang nabubulok na basura.

Takpan ang mga nabubulok na basura ng kaunting lupa para sa drying at ulitin ang proseso hanggang mapuno. Maaaring magamit ang compost ng isa hanggang dalawang buwan para sa kanilang backyard gardening, aniya.

Sinabi ni Buyucan na patuloy silang makikipag-ugnayan sa Department of Agriculture (DA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa technical training sa composting sa mga residential at commercial areas.

Nauna dito ay hinimok ni Mayor Benjamin Magalong ang mga residente at may-ari ng mga negosyo sa lungsod na magkaroon ng sariling backyard composting methods at technologies para mabawasana ang mga nabubulok na basura sa lungsod.

Sinabi ng mayor na panahon na upang ikintal ang gawaing pag-compost ng kanilang nabubulok na basura. Sa isang pagpupulong sa mga department heads noong Agosto 7 ay hinimok ng mayor ang mga kinauukulang departamento na ihanda ang mga may-ari ng negosyo sa Session Road para sa bagong composting requirement na di-magtatagal ay ipapatupad ng lungsod.

“Every business especially restaurants should have their own composting facility,” ani mayor Magalong. Sa ngayon ay nahaharap ang lungsod sa problema ng pagtatapon ng basura dahil sa malaking lugar ang kailangan para sa isang landfill. Tumanggi ang ibang kalapit lugar na tanggapin ang panukala ng lungsod sa isang landfill para sa BLISTT (Baguio, La Trinidad, Itogon, Sablan, Tuba and Tublay).

Sa kasalukuyan ay hinahakot ng Baguio ang mga residual waste sa sanitary landfill sa Urdaneta City, Pangasinan. Mula 2018 ay gumastos na ang pamahalaang lungsod ng mahigit isang bilyong piso upang pamahalaan at hakutin ang basura sa isang pribadong landfill.

PNA/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon