Mga kontrobersiya…. Siksikan na!

Halos wala na yatang mapagsidlan ng mga kontrobersiya sa Pilipinas habang nakabantay pa rin si Covid- 19 na sinasabayan din ng mga isyupulitikal. Sige, kalkalin natin bago magkabuang-buang ang lahat: Naging bida ang Dolomite Beach mula nang buksan at gawing pasyalan. Noong ginagawa ito…di ba sandamukal ang mga kontrabida.

Katakut-takot na batikos ang inabot ng DENR at gobyerno. Pero kamakailan, binuksan bilang pasyalan. Dinagsa. Natakot ang marami baka raw darami ang mahahawaan ng Covid-19.

Ngayon, pinag-aaralan na kung tuluyan na itong isasara. Tanong ng marami: ano ba kasi ang meron sa Dolomite Beach? Eh, di buhangin.

Puti raw kaya dinadagsa. Bakit di pa ba kayo nakakakita ng buhanging puti? Sobra-sobra yan sa Ilocos. Huwag mo lang hakutin at dalhin sa iyong bakuran. Heto na naman ang isyu sa face shield.

Noong una, sinabing mandatory sa ilang lugar. Ngayon, sinasabing alisin na kasi di naman daw nakakatulong kontra Covid- 19. Maryusep. Ano bang tama? Sabi, magsuot lagi ng face shield kasama ang face mask lalo sa matataong lugar.

Bawi naman ng mga eksperto (kuno), hindi obligado ang lahat. Ano ba talaga ang tama? Daplis ng mga ayaw magkasakit: kahit ano pang bagongkautusan…magsusuot pa rin daw sila ng face shield. Sabat naman ng ilan: kung wala kang gagawin sa labas ng bahay, huwag lumabas, period. Mga covid-19 vaccine baka raw magkulang. Bakit?

May mga nasunog daw na maraming doses sa iba’t-ibang lugar. May mga malapit ng mag-expire. May mga nasira dahil sa maling pag-iimbak.

Sus ginoo… baka tayo raw ay kulangin ng bakuna. Dumarami na kasi ang bakunado at marami pa ang dapat bakunahan. Sa mga kabataan nga, nagsimula na ang nabakunahan.

Eh, kung ang isusunod naman ay mga batang 12 anyos pababa? Kakailanganin natin ang mas maraming bakuna.

Ang seste, kung wala ng libreng donasyong makuha? Baka kapusin din tayo ng pambili. At kapag binili na ang bakuna, maaring hindi na libre sa mga magpapabakuna, di ba? Tanong muli: kung hindi na libre, di kaya darami pa ang ayaw nang magpabakuna?

Sabi ni presidentiable Bato…handa siyang magbigay-daan kung si Sara daw ang tatakbo. Ano bang say ni Inday? Wala pa sa ngayon. Sabagay may hanggang Nov. 15 pa ang substitusyon. Pero, sa palagay niyo…tatakbo ba talaga si Sara? Haaayy, buhay nga naman. Kung pulitika ang pumasok sa kukuti ninuman, hahamakin ang lahat kahit…. Sabi pa nga ng isang kandidato…uupakan daw niya ang problema sa droga kapag nanalo.

Marami ng pangakong ganyan, pards. Huwag ka ng sumawsaw baka pagtawanan ka lang. Korapsiyon naman daw ang babanatan ng ilang kandidatopampangulo. Tsk tsk…pati nga si Digong, nangako rin. Anong nangyari? Hanggang ngayon, patapos na ang termino, di pa rin buwag ang problema sa korapsiyon. Di ipamana sa susunod, di ba pards?

Siguro, totoo ang sinabi ng isang analyist: maraming problemang kahaharapin ang susunod na presidente. Amen! Face to face classes…matutuloy kaya? Sa monitoring ng Daplis, maraming mga magulang ang tutol pa rin.

Takot silang mahawa ang kanilang mga anak. Ano kaya ang magiging pinal na kautusan hinggil dito? Sa NCR, mga sinehan at mga gym…bubuksan na rin daw. Magdaragdag lang daw sila ng bentilasyon. Mga pampublikong sasakyan, balik-siksikan na rin daw. Anak ng baka…baka lalong darami ang makokobid, ika nila.

Nangangamba na pati DOH. Mga ka-Daplis..ingat. Huwag isubo ang buhay sa alanganin. Sabi nga…ang lalakad ng matulin, kapag matinik malalim. Sa mga nagdaang survey…maraming Pinoy ang nangangambang hirap pa rin ang buhay sa darating na mga panahon dahil kay Covid-19. Talagang marami ang apektado ng pandemya.

Maraming patrabaho ang di na nakabangon. Marami na nga ang nagsara dahil lugi. Natural na lahat ng empleado nila ay nawalan ng hanap-buhay. Sinusubok naman buksan ang mga patrabaho pero marami ding takot mahawa. Habang nariyan ang banta ng Covid-19 at takot sa ating lipunan…tiyak na marami pa ang maghihirap.

Sabi ng mga eksperto, mag-isip ng mga praktikal na paraan para kumita basta legal at kailangan ding sumuporta ang ating pamahalaan. Katunayan nga…maraming nurses at doctor na ang gustong mangibang-bansa para kumita.

Bakit, wala bang problema ng Covid-19 sa abroad? Isip mga kapatid. Huwag padalos-dalos. Sabi nga nila…nasa huli ang pagsisisi. Kaya magsisi na bago ka mahuli.

Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon