Mga ‘kotong cops’, di takot kay Duterte?

Grabe na ito, pards! Mistulang hindi na takot kay Pangulong Duterte ang mga kotong cops o mga kotongero sa PNP! Aba, nakakahiya ire, mga kalahi! Pr esidente, hindi sinusunod ng kanyang mga tauhan.

Bah, ibang usapan na ito! Di ba napaka-istrikto at talagang mahigpit ang pangulo sa isyu ng droga at krimen pati na ang korapsiyon? Di ba sandamukal na ang kanyang mga banta at pagmumura laban sa
katiwalian?

Di ba dinoble pa nga ni presidente Digong ang sahod ng mga pulis upang mabura na ang kotongan? E, anong nangyari?

Heto ang mga eksenang tiyak na magpapa-highblood sa ating pangulo: Kamakailan lang, naaresto ng mga pulis ang isa nilang kabaro habang tinatanggap ang kotong-money mula sa isang ginang na hiningan nito ng pera para sa kalayaan ng live-in partner nito
na naaresto sa droga. Nangyari ito sa Marikina City.

Nakilala ang suspect na si P/Cpl. (PO2) Marlo Quibete, nakatalaga sa District Drug Enforcement Unit ng Easter Police district (DDEU-EPD).

Ayon sa nagreklamong si Eva Quilala, hiningan daw siya ng Kotong cop ng P200,000, pero hindi daw niya kaya. Ibinaba ng pulis ang
hinihingi sa P100K pero di pa rin kaya.

Kaya kinunan na lamang siya ng P60K, kasama ang kanyang gintong kuwintas at pinapirma ng deed of sale sa motor ng kalive-in.

Ang masakit, humirit muli si kotongerong pulis. Dito na nagsumbong sa pulisya si Aling Eva, kaya huli ang suspect. Nalaman pang kasabwat pala ni kotongero ang kanyang hepe at ilang mga
tauhan ng EPD.

Tsk tsk, garapal na talaga ang Kotong Operandi ng mga ire. Dahil dito, sinibak ni NCRPO Director General (P/Lt. General) Guillermo Eleazar ang Hepe EPD at 28 nitong tauhan.

Napalitan na sila agad habang sinusulat ang espasyong ito. Ano masasabi ninyo, mga pards? Kung may galang at takot kay Pangulong Duterte ang mga pulis na ito, hindi sila gagawa ng kahihiyan at kasuwapangan, di ba?

Tsk tsk, sayang ang tiwala ni Digong sa kanila. Sayang ang pagdoble ng kanilang sahod na utang nila kay Digong. Siyempre, sayang din ang respeto ng mamamayan, at ang masakit ay nadadawit ang pangalan ng buong puwersa ng PNP.

Kaya tama lang na parusahan ang mga kotongerong yan at di lang
basta alisin sa puwesto. Panagutin sila sa batas.

Nag-viral naman ang ginawang pagkastigo ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar sa nahuling nangotong na pulis (Cpl. Marlo Quibete).

Gigil na gigil kasi sa galit ang heneral nang iharap sa kanya ang suspect na pulis. Dahil sa kahihiyan at galit, halos kanyang hambalusin at pulbusin ang mukha ni Quibete.

Pero sa mga lumabas na puna, binugbog daw ng heneral ang suspect, bagay na pinabulaanan naman ng heneral.

Umupak muli ang mga taga-Human Rights at sinabing nag malabis daw si Eleazar. Pero nang makunan ng reaksiyon si Pres. Duterte,
umayon siya sa pagkastigong ginawa ng heneral.

Sabi pa nga niya, “Sabihin mo kay Eleazar..okey yon”! Sa kabilang punto, humingi naman ng paumanhin at pangunawa si Gen. Eleazar sa kanyang inasal nang nahuli na ang suspect.

Samu’t-sari ang talakan ng masa pero nakalalamang ang salitang: “Tama lang ang kamay na bakal kontra sa mga kotongero! Dapat daw ay mas mabigat pa ang parusa sa mga taong ganyan kumpara sa mga sibilyang nahuhuli sa droga.”

Sabagay, may punto ang iba. Papano nga naman natin madudurog ang illegal na droga kung ang mga kasabwat ay mismong mga nagpapatupad mismo ng batas?

Hindi po sa nilalahat, mga kalahi. Naaawa lang tayo sa mga matitinong miyembro ng PNP. Dawit sila. Huwag sanang pangkalahatan ang husga. Adios mi amor, ciao,
mabalos.

Amianan Balita Ngayon