Mga kubrador ng jueteng, tiklo sa Kalinga

LA TRINIDAD, BENGUET – Sa kabila ng maigting na pagkakaila ni Governor Jocel Baac tungkol sa pagkakaroon ng ilegal na “jueteng” sa Kalinga ay anim na diumano ay kubrador na karamihan ay mula sa Batangas province ang nadakip ng mga pulis kamakailan.
Kinilala ang mga ito na sina Dick Alvis Lumibao, 47, tubong Lipa City, Batangas; Marlon Titolar Lozada, 52, tubong Poblacion Lubo, Batangas; Conrado Masadja Bautista, 59, tubong Manaoag, Pangasinan; Warren Virtucio Escalona, 33, taga-San Jose, Batangas; Alvin Balmaceda Oliver, 26, ng Bicol, Camarines Sur; at Allan Ocampo Titolar, 52, tubong Diversion, Batangas, pawang pansamantalang nakatira sa Purok 2, Bulanao Norte, Tabuk City, Kalinga.
Nadakip ang mga ito habang nangongolekta ng taya sa jueteng sa mismong loob ng compound ni Barangay Captain Bernard Glenn Dao-as sa Gravel and Sand Stock Pile, Appas, Tabuk City.
Nakumpiska sa kanila ang taya sa jueteng na may kabuuang P15,262; apat na calculator; pitong cellphone; 11 bundle ng raffle paper o papelitos; dalawang stapler; tatlong columnar pad; dalawang ream ng white paper; at pitong ballpen.
Hinihinala rin na ang anim na suspek ay hindi lamang kubrador kundi mga rebisador dahil sa mga nakuhang gamit nila na kinabibilangan ng columnar pads at reams ng white paper.
Ang mga kubrador ay papelitos at ballpen lamang ang dala kapag kumukuha ng taya.
Ang naturang pag-aresto sa mga kubrador ay pinapasinungalinan ang paninindigan ni Governor Baac na walang jueteng sa Kalinga.
Nauna rito ay sinabi ni Baac na walang illegal numbers game sa kanyang probinsya na nais palitan ng Small Town Lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Sa isang multi-sectoral “Kapehan” council na pinangunahan ni Baac ay ibinasura ang STL sa botong 140-6.
Ang PCSO-authorized agent Mountain View Games of Chance Corporation ay planong magpatakbo ng STL sa probinsya ngunit tinanggihan ito ni Governor Baac at iba pang mga opisyal.
Noong nakaraang buwan, sa isang emergency joint meeting ng “Kapehan” council at ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), tinuligsa ni Baac ang PCSO at ang Mountain View Games of Chance Corporation na diumano ay walang galang sa local officials nang sinabi nilang ang STL ay matutuloy, mayroon man o wala ang Mayor’s permit. A.ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon