Mga lindol, lumalarga!

Nakakaalarma na raw ang paglarga ng mga sunud-sunod na mga lindol kamakailan. Nagsimula sa Catillejos, Zambales at sumunod sa Samar na sinundan sa Mindanao lalo na sa may Saranggani.

Sus ginoo, ano ba ire? Ano kaya ang ibig sabihin? Tapik na kaya ito sa atin? Bakit naman kaya tayo tinatapik? Haayyy buhay, sige, relaks lang at atin ngang uriratin ire.
******
Kamakailan, niyanig ng Magnitude 6.1 na lindol ang Central Luzon na ang lakas ay naramdaman hanggang sa ilang bahagi ng Northern Luzon, NCR at Katagalugan.

Ang pinakamatinding pinsala ay sa Pampanga kung saan sa huling tala ay umaabot na sa 19 diumano ang patay, maraming sugatan habang patuloy pa rin ang rescue, search at retrieval operations sa mga bumagsak na mga gusali.

Sumunod ang Magnitude 6.5 na lindol naman sa Visayas. Walang naitalang casualty dito kahit mas malakas kaysa sa tumama sa Zambales.

Pagkatapos ng naitalang Magnitude 4.5 na aftershock sa Zambales, magkakasunod namang lindol ang nadama sa Davao Occidental at Davao Oriental bagama’t wala namang naitalang casualty doon.

In short, ang mga lindol ay magkasunud-sunod na nangyari sa Luzon, Visayas at Mindanao. Lalo tuloy nangamba ang mamamayan lalo na ang mga taga-Metro Manila dahil sa takot nila sa sinasabing “The Big One”.

Napaulat din na may mga taga- Baguio at karatig-pook ding nanalangin na huwag na sanang maulit ang nangyari sa lugar na ito noong 1990.
******
Sa dinami-dami ng mga reaksiyon dahil sa takot o pangamba mula sa ibat-ibang sector, kakaiba naman ang naging reaksiyon ni Environment Secretary Roy Cimatu.

Ang sunud-sunod daw na lindol ay maari umanong pagpaparamdam ng mundo dahil may mensahe itong nais iparating. Sabi nga ni Cimatu: “Baka paraan ito ng pagpaparamdam ng Earth.

Sabi niya yayanigin ko (ito) some more.” Dahil taga-DENR si Sec. Cimatu, hindi nalalayo sa ating hinala na ang tinutukoy niyang pagpaparamdam ng Earth sa atin sa pamamagitan ng lindol ay may mensahing gustong iparating.

Anong mensahe? Na may pagmamalabis na tayo sa kalikasang ibinigay ng Diyos. Sa halip na ating pagyamanin, arugain at proteksiyunan ang kapaligiran, ito ay ating inaabuso para sa sariling kapakanan.

Tingnan na lang natin ang nangyari sa Boracay at iba pang lugar na kung saan ay nagkaroon ng rehabilitasyon dahil sa pagmamalabis ng tao.

Maaring ang mensahe ay idinaan ng mundo sa tapik ng lindol upang mamulat tayo sa ating pagmamalabis. Buti na lamang ay naaagapan naman natin at gumagawa ng kaukulang pagtutuwid.

Sana ay hindi pa huli ang lahat, sabi ng nakararami.
******
Sa tuwing may sakuna, gaya ng bunga ng lindol sa ibat-ibang lugar sa bansa, laging may sisihan at paratangan.

Kesyo mahina ang pagkakagawa ng mga bumabagsak na gusali na kumikitil ng buhay. Pero bakit ngayon tayo magtuturuan?

Hindi ba’t may mga nakatoka namang mga ahensiya, lokal man o nasyonal, na sila ang mangangasiwa sa tibay ng mga gusali bago ito bigyan ng “permit for occupancy”? Ibig sabihin na may mga palusot, di kaya? Yan ang mga dapat isama sa pagsusuri at imbestigasyon
upang maituturo natin kung sinu-sino ang dapat managot at parusahan.

Alam ng lahat na hindi natin alam kung kailan uupak ang mga lindol. Bakit hindi natin ito paghandaan? Marami kasi ang nagkikibitbalikat kapag lindol ang usapan.

Laging “bahala na Diyos” ang dasal, pero hindi naman tinutulungan ang sarili?

Ang aming pakikiramay sa lahat ng mga biktima ng lindol at dalangin natin na sana, wala nang darating pang bagong trahedya hinggil dito. Adios mi amor, ciao mabalos.

Amianan Balita Ngayon