Mga market stalls – pinagkakakitaan ng ilan?

Noong nakaupo pa si dating Muaricio Domogan bilang mayor ng Lungsod ng Baguio ay nagbabala siya sa mga market stallholders laban sa diumano’y sub-leasing o pagpapaupa sa inuupahang mga stall o puwesto sa iba’t-ibang bahagi ng pampublikong merkado kaugnay ng noo’y isinasagawa nilang kampanya upang maalis ang iligal na gawain na ito sa palengke.
Dahil sa natuklasan nilang iligal na gawaing ito sa kasagsagan ng pag-alok na public bidding ng mga mga stall ay isinama na rin nila ang mga ito sa bentahan.
Inamin din noon ni Domogan na ang isyu sa diumano’y sub-leasing ng mga stall sa city public market ay naging isyu na kinakaharap ng kaniyang administrasyon sa mga nakalipas na taon (kung ilang taon siyang umupo ay siya marahil ang tagal), subalit ayon sa kaniya ay nahirapan ang mga opisina ng lokal na gobyerno na may kinalaman dito sa paghahanap ng sapat na mga piraso ng ebidensiya na magiging tuwirang dahilan upang mapawalang-bisa ang iginawad sa isang stallholder kung ito ay natuklasang ipinapaupa ang inuupahan nila sa ibang
tao na salungat sa gawad na mga karapatan na mag-operate ng matket stall na ibinigay sa kanila ng lungsod.
Gayundin ay mahigpit din na nagbabala ang Baguio City Market Authority (BCMA) laban sa mga walang-konsiyensiyang stallholders sa loob ng city public market at Slaughter Compound sa pag-papaupa ng kanilang naigawad na mga puwesto dahil handa raw ang pamahalaang lungsod na gawin ang katampatang mga hakbang upang makansela ang kani-kanilang iginawad na puwesto para sa benepisyo ng mga tao na sumusunod sa mga probisyon ng kanilang kontrata.
Lumalabas na may mga stallholder na nagbabayad lamang sa lungsod ng nasa PhP300 bilang buwanang renta subalit kapag ipinaupa nila ang kanilang puwesto sa mga interesadong tao, ang uupa ay magbabayad ng mula PhP10,000 hanggang PhP25,000 bawat buwan. Ang gawaing ito na nagpapaupa ng kanilang inuupuhang puwesto sa di-makatuwirang mataas na renta ay labag sa ilang probisyon ng Baguio City Market Code (Tax Ordinance No. 2000-01).
Sinasabi sa Section 146 ng market code na iligal na mamahala ng higit sa isang puwesto. Isa pa, tahasang sinasabi sa Section 157 at 160 ng market code na : “xxx the leaseholder shall physically or personally conduct business in the stall subject of the lease and that the leaseholder shall not sell, lease, or transfer to other individuals their leasehold rights nor permit others to conduct business therein”. Gayundin ay sinasabi sa Section 161 na ipinagbabawal ang sub-leasing ng mga stall at paggamit ng mga “dummy”.
Sa bagong administrasyon ni Mayor Benjamin Magalong na magtatapos na rin sa taong ito (kung hindi siya papalarin sa halalan) ay muling natuklasan ng Public Order and Safety Division (POSD) sa kanilang isinagawang imbestigasyon na may mga ilang pa ring lumalabag sa mga probisyon ng Market Code.
Kapansin-pansin na lumalabas ang mga isyu ng sub-leasing, pagbebenta ng mga puwesto at mga “dummies” sa panpublikong pamilihan ng lungsod at nagkakaroon ng mga imbestigasyon sa mga huling panahon ng panunungkulan ng mga nakaupong administrasyon.
Ang katotohanan sa isyung ito ay pinahihintulutan at kinukunsinti ng napakatagal nang panahon. May mga alegasyon pa na ilang may mga may-ari ng mga stall na nababanggit sa isyu ay mga “malalakas” daw sa administrasyong nakaupo, at ilan ay mga opisyal pa ng lungsod at nasa katungkulan.
Kung totoo ang isinasagawang imbestigasyon, may mga sapat na ebidensiya at tiyak nang natukoy ang mga gumagawa ng nga iligal na aktibidad sa pamilihang bayan at kung tunay ang pagnanais na malinis na ang merkado sa mga walang-konsiyensiyang taong ganito at maging maayos ang pamamalakad dito ay ilantad na kung sinu-sino ang mga ito at panagutin at ibigay ang karampatang parusa ayon sa isinasaad ng mga batas – nang walang pinapaboran at kinikilingan o higit pa “kinakanlong” dahil sa pabor o anupaman.
Igawad ang mga market stalls na ito sa mga karapat-dapat at marunong sumunod sa batas na mga tao.

Amianan Balita Ngayon