Mga minero ng Itogon, umapela ng technical conference sa DENR

ITOGON, BENGUET – Hiniling ng lokal na gobyerno ng Itogon at ng pederasyon ng Small Scale Miners ng Benguet ang isang technical conference kay Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu.
Ito ay para magkaroon ang DENR ng karagdagang paliwanag tungkol sa tungkulin ng National Task Force on Mining na inilunsad para pabagsakin ang tumataas na bilang ng illegal mining sa bansa.
“We would want to have a technical conference with the members of the National Task Force (on illegal mining) to discuss things that need to be considered,” sabi ni Mayor Victorio Palangdan.
Dagdag pa nito na ang pagpupulong ay para rin sa mga kababayan na maaapektuhan sa magiging aksyon ng national task force.
Inamin ni Benguet Federation of Small Scale Mining President Engr. Lumino Kaniteng na sa 10 hanggang 12 na asosasyon na nabigyan ng permit, mayroon pa ring asosasyon ng small scale mining ang walang permit.
“The permits given to those associations were given before the national task force was formed. So there is a need for a technical conference for small scale miners here because the situation in other areas are totally different from Benguet,” dagdag ni Kaniteng.
Aniya, gusto rin nilang malaman ang tungkol sa aplikasyon para sa Minahang Bayan galing sa mining task force.
Ang layunin ng Minahang Bayan ay para sa mga small scale miners na makarehistro sa mining regulatory office ng local government unit na pinangungunahan ng local chief executive at ng direktor ng Mines and Geosciences Bureau. Nais din nilang ipahintulot sa pamahalaan na subaybayan at kontrolin ang kanilang mga gawain.
Kasalukyang hinihintay ni Palangdan at ng pederasyon ang magiging tugon ni Cimatu sa kanilang hiling na ibinigay sa kalihim noon pang Pebrero.
Anila, irerespeto nila ang anumang magiging desisyon ng kalihim. PAULO GREG BENITEZ, UB Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon