MGA MONSTER NA BALITA SA PILIPINAS!

Habang papalapit ang eleksyon sa Mayo 12…nagiging mga monster ang mga balita sa bansa. Kapuna-puna ang
pagsulpot ng mga ito na parang sinasadya na hindi naman. Yan ang ating kakaliskisan pero bago ang lahat…bato-bato sa langit muna: Ramdan na natin ang lamig ng amihan season…pero umiinit naman ang mga kontrabersiyang nakapalibut sa atin. Una na ang isyu ng pambansang budget na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa bagong potahe ni dating Pangulong Rodrigo Duterte….pinakukulo niya na may mga blangko raw na espasyo sa mga programa at pondo ng ilang departamento sa ipinasang badyet para sa taong 2025. Ito raw ay malaking
kabalbalan. Pero sagot naman ng Pangulong Marcos..ito’y malaking “KASINUNGALINGAN”. Ayon kay Pangulong Marcos, kahit pa isa-isahin nating buklatin ang lahat ng pahina ng panukalang badyet…ay walang blangko.

Diin niyang sa buong kasaysayan ng pagprepara ng ating pambansang badyet ay walang pangyayaring may blangko dito. Kaya isang kasinungalingan ang sinasabi ni dating Pangulong Digong. Tanong : saan kinuha ni Digong ang kanyang kopya na naging basehan ng kanyang upak? Ibig kayang sabihin na talagang gumagawa siya ng paraan para
makapagtalak o makagawa ng mapag-uusapan? Dapat linawin ang isyu para hindi malilito ang bayan.

Medyo tahimik sa nakalipas na mga araw ang kampo ni VP Sara. Pero ang tumatalak ay ang kanilang mga abogado. Ipinalalabas na magiging masalimuot ang eleksiyon sa 2028 lalo na sa pampanguluhan. Sabi ng ilan…di dapat pangambahan ni VP Sara ang pagtakbo dahil hindi naman maaring tumakbo sa re-eleksiyon si Pangulong Bongbong. Ibig sabihin na sulo niya ang korona. Kung meron mang poposte mula sa kanyang angkan, nakakalamang pa rin nag bise dahil mas malapit na siya sa Malakanyang.

Ang mga agam-agam ay parang multo lang sa ngayon na dapat daw ay isantabi muna dahil malayo pa ang 2028. Ayon naman sa mga mabusising kaisipan…eh ano kung biglang may “martial law”? Maryusep huwag niyo ng isipin ang bagay na yan. Nalugmok na tayo sa panahong yon ng 1081. Bagong lipunan na ngayon. Mga aral sa nakalipas para sa mas maunlad at mas payapang kuminidad na ating pagyayamanin. Mas marami pang mahahalagang bagay na dapat nating pagtuonan ng pansin kaysa ang lumingon sa ating mga anino sa nagdaan.

Isa pang ala-monster na eksenang sumulpot kamakailan ay ang bill na akda ni Sen. Risa Hontiveros. Ito ang kanilang tinawag na Comprehensive Sex Education Bill. Kahit pa walang derektang sinasabing ituro sa mga musmos na bata ang masturbation…sabi ng mga analysts, ito daw ay may malinaw na pagpapahiwatig. Kaya nang kunan ng reaksiyon si Pres. Bongbong…sinabi niyang itatapon niya ito sa basurahan kapag nakaabot na sa kanyang lamesa at hindi niya papayagang maging batas. Sa panig naman ni Sen.

Hontiveros…kung babasahing maigi ang kanyang Senate Bill 1979…wala raw nabanggit na katagang “masturbation” o kolokiyal na katawagan ay “sariling sikap”. Kundi ang punto raw ng kanyang bill ay upang mapigilan ang
dumaraming kaso ng “teenage pregnancy”. Sabi ng ilan…hindi magbibitaw ng nakasisindak na reaksiyon ang isang tao kung walang pahiwatig na pati mga batang may edad na apat na taon ay imulat sa isyu ng “masturbation”.

Dati ay hinggil sa pinagdedebatehang nosyon sa dapat pagpayag sa kasalan ng mga taong may parehong kasarian. Ngayon naman pati na ang mga musmos ay tuturuan na natin ng kalaswaan? Nakakatakot naman, pards. Ano naman kaya ang susunod na kontrobersiya? Baka may magsusulong ng batas para pwede ng ikasal ang tao sa unggoy gaya ng upak ng kulomnistang si Al Pedroche. Sus mariakusina a kaug-uging!

Sa West Phil. Sea…matindi pa rin ang tensiyon. Nang umalis ang tinaguriang “monster ship” ng China Coast Guard (CCG)…may pumalit namang mas maliit na barko nila. Ang pumalit, ayon sa ulat..ay nasa layong 60.4 nautical miles
lang mula sa dalampasigqan ng Zambales. Napakalapit na ito, ayon sa Phil. Coast Guard (PCG). Ayon sa mga
eksperto…ang ating Exclusive Economic Zone (EEZ) ay 200 nautical miles.

Idagdag mo pa dito ang nabulgar na mga kagamitang pang-espiya ng isang Tsino at dalawang Pinoy na maaring matagal nang naniniktik sa kilos-depensa ng Pilipinas. Maryunes…ibig sabihin, bukilya na ang mga pandepensang oplan ng ating sandatahang lakas sa situwasyong ito. Dapat kumilos tayo ayon sa kaganapan. Kung kinakailangang braso at ngipen…dapat nakahanda. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon