Mga okupante ng Bayanihan, Magsaysay bldgs. pinapaalis ng lungsod

Naglabas ang City Buildings and Architecture Office (CBAO) ng kaukulang direktiba para sa mga may-ari at nangungupahan sa Bayanihan at Magsaysay buildings upang lisanin ang kanilang inuupahang mga puwesto dahil ang nasabing mga gusali ay itinututring na peligroso at mapanganib.
Sinabi ni Arch. Johnny Degay, officer-in-charge ng CBAO na isang notice to vacate ang insiyu na dahil sa mapanganib at sira-sirang kondisyon ng istruktura alinsunod sa Section 214 ng Presidential Decree (PD) No. 1096 o ang National Building Code sa mga nangungupahan, manager, administrator, at mga nagpapa-upa sa Bayanihan building.
Sinabi niya na ang lessor at 86 lessees ay inutusang lisanin ang gusali sa loob ng 30 araw at para sa lessor na kailangang gibain ang nasabing istruktura o kumpunuhin ito at isama ang nararapat at angkop na safety measures para sa benepisyo ng lessees at ng publiko.
Sa kabilang dako, ayon sa assistant department head ng CBAO na parehong notice to vacate ang nauna ng isinilbi sa mga tenants ng Magsaysay building nap ag-aari ng lungsod at ang parehong notice ay magtatapos sa Oktubre 13, 2019.
Matapos ang deadline ng notice to vacate ay sinabi ni Degay na ipapatupad ng lungsod ang demolisyon ng gusali upang magbigay-daan sa pagpapatayo ng isang open parking sa nasabing lugar.
Sa nakaraang administrasyon ay idineklara ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang Magsaysay building na isang fire hazard na nag-udyok sa State-owned Government Service Insurance System (GSIS) na tanggihan ang insurance na hinihiling para sa nasabing istruktura.
Sa ilalim ng annual budget ng pamahalaang lungsod para sa taong ito na inihanda noong nakaraang administrasyon, nasa PhP20 milyon ang inilaan para sa renobasyon ng sira ng istruktura para sa kaligtasan ng mga nangungupahan ang publiko.
Ang panukalang demolisyon at renobasyon ng naideklarang peligroso at mapanganib na mga gusali ng lungsod ay nakalinya sa isa sa 15-point collective agenda ng kasalukuyang administrasyon sa effective disaster risk reduction and management.
Inihayag ni Degay ang optimism na ang mga nangungupahan sa dalwang gusali ay magkusang lisanin ang kanilang inuupahang puwesto at huwag ng hintayin na ang pamahalaang lungsod ang magpa-alis sa kanila.
Kasabay nito ay sinabi niya na ipagpapatuloy ng lungsod na siyasatin ang lahat ng mga istruktura sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod upang ang mga peligroso at mapanganib na mga istruktura ay maisaayos para sa kaligtasan ng mga nangungupahan at publiko at maiwasan ang hindi kanais-nais na insidente nab anta sa buhay.
Hinimok ng OIC city building official ang mga mayari ng gusali na ituloy ang pagsasa-ayos ng mga gusali sa pagtugon sa kinakailangang standards of safety.
 
DAS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon