Mga paaralan sa Baguio, nagpaligsahan sa fresh flower arrangement

LUNGSOD NG BAGUIO – Nagpagalingan sa paggawa ng lobby centerpiece ang mga estudyante sa elementarya habang mga guro sa sekondarya naman ang nagpaligsahan sa paggawa ng dish garden sa 2017 division school based fresh flower arrangement competition noong Pebrero 15 sa Department of Education-Cordillera Administrative Region (DepEd-CAR) Division Office.
Ang kompetisyon ay nahati sa dalawang kategorya, ang dish garden at centerpiece design. Nabigyan ng isa’t kalahating oras ang mga kalahok upang matapos ang kanilang mga dinisenyo.
Ang dish garden category na may temang “cactus and aloe” ay dinaluhan ng 18 na kalahok na sekondarya mula sa Baguio City National High School at mga annex nito sa Fort Del Pilar at Hillside, at mga national high school ng Bakakeng, Dona Aurora, Guisad Valley, Happy Hallow, Jaouquin Smith, Lindawan, Magsaysay, Mil-an at Pines City.
Ang centerpiece design naman na may temang “white and pink” ay dinaluhan ng 21 na kalahok sa elementarya mula sa Rizal National High School, Roxas National High School, Sto. Thomas National High School, Baguio Achievers Academy, SLU Laboratory, Baguio Central University, Irisan Elementary School, Josefa Carino Elementary School, Pacday Quinio Elementary School, Quezon Elementary School, Roxas Elementary School, Bgo. Country Club Village P/S, Fort Del Pilar Elementary School, Happy Hallow Elementary School, Spring Hill Elementary School, Camp 7 Elementary School at Quezon Elementary School.
Ayon kay Elaine Caouay, Panagbenga coordinator, pagdating sa budget ay sila na ang nag-provide ng kanilang ginamit at sinigurado nila na ang presyo ng mga bulaklak na gagamitin ng mga kahalok ay mabibili sa mababang halaga.
Ang naturang kompetisyon ay sa pakikipagtulungan ng Baguio Flower Festival Foundation Inc. (BFFFI) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Panagbenga 2017.
May limang judges ngayong taon mula sa BFFFI na sina Marlyn Chua, Rene De Guzman, Eddie Wayan, Patrick Zamora, at Erick Tinoyan.
Ang mananalo sa kompetisyon ay may premyong P5,000 para sa first place, P4,000 sa second place at P3,000 sa third place. Ang mga hindi mananalo ay magbibigyan ng giveaways.
Ihahayag ang mga nanalo sa March 5, 2017, sa closing ng Panagbenga sa Athletic Bowl. Rica Gil, UB Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon