Mga pasaway na drayber di sakop ng 10-year validity

BAGUIO CITY – Iginiit ng Land Transportation Office (LTO) na hindi makakamit ng mga “pasaway” na drayber ang sampung taong validity ng driver’s license.
Ang 10 years validity ng driver’s license ay hiniling mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte, para sa pampublikong kaginhawaan at maibsan ang daloy ng transaksyon sa nasabing opisina.
Sinabi ni LTO ASec Edgar Galvante sa naganap na turn over ceremony ng bagong LTO-Cordillera Director Francis Almora, na pabor lamang ang 10 years validity ng lisensya sa mga drayber na walang anumang record na traffic violation.
Aniya, mula sa one-year validity, ay ginawa itong tatlong taon at kamakailan lamang ay ginawang limang taon at ngayon ay magiging 10 taon na para sa convenience ng drayber.
“Magbibigay lamang ang LTO sa mga walang traffic violation, kasi pag nag-renew ka ng lisensya ay makikita sa aming data base kung may violation ka at pag wala ay magiging 10 years na ang lisensya mo,” pahayag ni Galvante.
Ayon kay Galvante, kung ang isang drayber ay may record na sa LTO ng traffic violation ay hanggang five years lamang ang kanilang lisensya.
Nagbabala din si Galvante sa mga drayber na palaging pasaway sa traffic rules and regulations na agarang makakansela ang kanilang lisensya.
“Mahalaga na sumunod tayo sa batas-trapiko upang maging maginhawa hindi lamang sa sarili, kundi maging ang lansangan,” ani Galvante.
Samantala, ipinahayag naman ni LTO Director Almora ang kanyang suporta at mandato sa programa ni newly elected Mayor Benjamin Magalong, na maibsan ang malalang trapiko sa siyudad ng Baguio.
“I need na madagdagan ang aking mga tauhan sa lansangan upang makatulong sa traffic police at sa mga itatalagang traffic enforcers para mag-mando ng trapiko sa lungsod, lalong-lalo na sa mga colorum na pampublikong sasakyan.
Aniya, hindi lamang sa siyudad ng Baguio paiiralin ang mahigpit na kampanya laban sa kolorum na sasakyan, kundi sa buong rehiyon, upang masiguro ang kaligtasan ng mamamamayan laban sa
mga pampublikong sasakyan na hindi rehistrado.
Nanawagan din si Almora sa pulbiko na manmanan at isuplong sa kanilang tanggapan ang mga tiwaling empleyado ng LTO upang matigil na ang anumang korapsyon na sumisira sa ahensya.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon