Mga residente, pinag-iingat sa kahina-hinalang tao

Nagbabala si Mayor Mauricio G. Domogan sa publiko matapos ginanap ang Monday flag raising ceremony sa Baguio City Hall grounds kaugnay sa mga taong bagong salta o dayuhan na may kahina-hinalang kilos.

Hiniling niya na ang di pangkaraniwang gawain na makakasama sa komunidad ay agad i-report sa himpilan ng otoridad upang maagapan ang posibleng masamang pangyayari.

Kamakailan ay personal na binisita ng ilang lider at kinatawan ng lokal na komunidad ng Muslim ang alkalde na nag-apela para sa kanilang tulong sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa pulisya upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan ng lungsod.

“Kailangan makatiyak tayo ng kaligtasan sa ating pamilya at komunidad sa kamay ng mga masasamang loob, may pahintulot tayo sa mga kapulisan para gawin natin ang wastong pagsubaybay sa nasabing mga indibidwal upang malaman ang dahilan sa kanilang pagbisita sa ating lungsod at upang maiwasan rin ang pag-alinlangan sa kanila ay kailangan alamin rin natin ang iba pang impormasyon sa kanila.

“Hindi tayo dapat magpakita ng diskriminasyon laban sa sinuman kundi upang pigilan ang paglitaw ng anumang mga pangyayari sa hindi maayos na makakompromiso sa kaligtasan at seguridad ng mga residente.

“Sa patuloy na tunggalian sa pagitan ng mga pwersa ng militar at grupo ng Maute rebel  sa Marawi City matapos idineklara ni pangulong Rodrigo R. Duterte ang Marital Law partikular sa Mindanao ay hiling ko lang sana sa mga kapatid nating Muslim na magbigay-ulat sa pulisya kung mayroon silang mga bisita na galing mula sa lugar na iyon upang alam natin kung ano ang pwedeng gawin at kung may maitutulong man tayo basta makita natin na mabuti ang kanilang sadya at walang kahina-hinalang kilos.”

Sinabi ni Domogan na hindi niya hinihingi ang anumang uri ng diskriminasyon, “lahat ay itinuturing na pantay sa lungsod, anuman ang relihiyon o etnikong pinagmulan.

“Kahalintulad sa isang palayok na naglalaman ng iba’t ibang kultura ng tao ay magkakasama tayong nagkakaisa para sa pag-unlad at patuloy na progreso ng lungsod,” paliwanag ni Domogan. ABN

Amianan Balita Ngayon