Mga sakit sa tag-init

Opinion You and Me

Ang panahon ng tag-araw ay inaabangan nating lahat, lalo na ng mga kabataan dahil ito ang panahon ng outing, picnic at swimming. Pero sa panahong ito ay hindi maiiwasan ang mga sakit na dala nito kaya kailangan ang pag-iingat laban sa mga sakit na karaniwang tumatama sa tag-init nang sa gayon ay maging masaya at enjoy ang bakasyon lalo na ng mga bata.

Ang bungang-araw ang isa sa pinakakaraniwang sakit sa balat dahil sa matinding init ng panahon. Mapupula at maliliit na butlig sa balat na makati at mahapdi. Para maiwasan ito, dapat na umiwas sa mga lugar na masyadong maalinsangan at ang matinding pagpapawis.

Ang sore eyes naman ay isang sakit na galing sa bacteria at nagsasanhi ng pamamaga, pagluluha at pangangati ng mga mata. Nakakahawa ang sakit na ito. Karaniwan itong lumalaganap mula buwan ng Enero hanggang Marso. At sa panahon naman ng tag-ulan ay mula Agosto hanggang Setyembre. Panatilihing malinis ang kamay at gumamit ng sariling tuwalya upang hindi makahawa ng iba.

Isa pang kalimitang sakit sa tag-init ay food poisoning dahil sa init ng panahon ay mabilis masira o mapanis ang mga pagkain. Ang bacteria ay gustong nananatili sa mga pagkain kung mataas ang temperature ng panahon dahilan para ito ay mabilis masira. Sanaying maghugas mabuti ng kamay bago at matapos kumain at pagkatapos magbanyo. Dapat ding mag-ingat sa pagkain ng mga street-food at kung may outing o picnic sa ibang lugar ay siguraduhing nakatabi ng maayos ang mga babauning pagkain sa mga lalagyan na protektado sa init ng panahon. Laganap din sa panahong ito ang ubo at sipon. Lalo na kung sobra ang init at biglang bubuhos ang ulan. Kailangang uminom ng maraming tubig at kumain ng mga prutas na mayaman sa vitamin C para lumakas ang resistensya. At ugaliing maligo araw-araw upang hindi magkaroon ng fungal infections tulad ng hadhad, buni at an-an. At ang isa pang sakit na nakamamatay ay ang heat stoke. Huwag magbilad sa araw sa mahabang oras at ugaliing uminom ng maraming tubig para hindi ma-dehydrate. Kung pupunta naman sa mga beach o gagawa ng mga outdoor activity, huwag kalimutan ang maglagay ng sunblock sa mukha at sa buong katawan upang maging protektado sa UV rays na galing sa araw.