MGA SALOT NA PROBLEMA… KAILAN HUHUPA?

Madaling sabihin nguni’t mahirap isakatuparan kung paano tayo makakaalpas sa mga salot na problema sa mundo. Kapag may naresolba, doble ang papalit? O kaya wala pang nareresolba, me sumasabay naman. Subukan nating ukil-kilin, mga pards: Sa West Phil. Sea…sandamakmak na ang ating pagtitimpi dahil sa pangingialam ng Tsina sa atin. Nariyang binobomba ng tubig ang ating mga tropang
nagbabantay pati na ang mga mangingisda, binangga ang ating mga barko, nilalazer pa ang mga eto, subalit tudo-timpi pa rin tayo. Bagama’t di lang tayo ang binubully ng Tsina, tiyak na kung ano ang ating pagtitimpi, ganun din ang maaring ginagawa ng ibang bansa.

Nariyan ang Taiwan, Vietnam, Malaysia at iba pang South East Asian Countires. Problemang walang humpay habang umiiwas tayo na maging sanhi ng muling digmaan. Siguro kung kasing-laki rin tayo at kasing lakas ng Tsina, pwede tayong tumabla, di ba? Subali’t hindi lang lakas ang dapat ikonsidera sapagka’t sa pagtabla, di lang tayo ang masasaktan kundi buong mundo. Sa ngayun, maaapektuhang muli ang ating ekonomiya dahil sa digmaan ng IRAN at ISRAEL. Pag ganitong kaganapan, kahit nananahimik na bansa ay tiyak apektado. Kung ating lilingunin ang kasaysayan, hindi lang mga Hapon at Kastila kundi pati America ang sumakop sa atin, ang huli na naging kaalyado rin natin. At sa panahong iyon, marami tayong mga kababayan ang kumampi sa ating mga kalaban.

Iisa lang ang imbing dahilan: paghahangad sa posisyon at yaman. Nakalipas na ang panahong iyon. Subalit ang yugto ng ating kasaysayan ay pinangangambahang mauulit. Bakit? Nariyan pa rin ang mga salot na problema na banta sa ating kasarinlan. Gusto pa ring agawin ang ating teritoryo at soberenya. Ano nga bang meron ang ating bansa na kanilang pinupuntirya? Yamang-dagat. Mayaman ang karagatan natin kaya gustong sakupin ng Tsina. Gusto nila tayong unahan na makuha ang yamang ito sa ilalim ng ating teritoryo. Bagay na labag sa
batas. Yan naman ang binabantayan ngayon ng ating pamahalaan. Kung magiging mahina tayo sa puntong ito, tayo ang talunan. Makukuha ng iba ang ating yaman. Sila ang magpapasasa.

Sila ang makikinabang. Tayo ang aasa. Tayo ang dedepende. TAYO ANG MAWAWALAN. TAYO ANG WALANG KAUNLARAN. Kaya sana
makonsensya tayong magkaisa ang adhikain upang magtagumpay tayong ipagtanggol ang ating yaman at bansa at ipaglaban ang ating
karapatan. Ang masaklap, nagtatalo tayo dahil sa magkakaibang kaisipan at panunutunan. MArami sa atin ang mga pasaway at kadalasan ay wala tayong napapatunguhang solusyon dahil na rin sa pansarili nating motibo. Motibong unti-unting nagiging anay na nagsasanhi ng pagkarupok ng bawa’t haliging itinatatag sa hangaring mapalakas ang ekonomiya, sandatahan at ang kabuuan ng gobyerno.

Ang hangarin na makaahon sa kahirapan, kamangmangan at makasabay sa bilis ng daloy ng makabagong pamumuhay ay tila baga napakahirap sungkitin dahil na rin sa kawalan ng determinasyon at iba’t-ibang ideolohiya. Kahit alam natin na taliwas sa batas, sige at
ipinagpipilitan pa rin. Tama ang tinatahak na landas ng kasalukuyang administrasyon sa likud ng mga balakid. Tayo ang suporta at lakas upang magtagumpay. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon