Mga sementeryo sa Pangasinan sarado sa ‘Undas’

Provincial

PANGASINAN – Nakatakdang isara ng pamahalaang probinsiya ang mas marami pang sementeryo at memorial parks sa Pangasinan mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 upang mapigilan ang pagtitipon ng maraming tao sa darating ng Araw ng mga Kaluluwa at Todos los Santos dahil sa pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa probinsiya sa nakaraang mga araw.

Sa isang virtual Kapihan sa Ilocos forum na pinangunahan ng Philippine Information Agency noong Miyerkoles (Oktubre 7) ay sinabi ni Governor Amado Espino III na nakipagpulong siya sa provincial Inter-Agency Task Force at sa Pangasinan Police Provincial Office director upang talakayin ang pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo at memorial parks.

“Susulat kami sa mga mayors para sa pagsasara ng mga sementeryo at para i-encourage din nila ang kanilang mga kababayan na pumunta na ng maaga sa mga sementeryo,” aniya.

Ilang lokalidad sa probinsiya ay nag-isyu na ng executive orders kaugnay sa darating na mga holiday, gaya ng mga munisipalidad ng Binmaley at San Jacinto, at Dagupan City.

Sinabi ni Espino na may kapansin-pansin na pagtaas sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa probinsiya sa nakaraang ilang mga araw kasunod ng pagbaba sa mga nakaraang linggo.

“Hindi pwede mag kampante kasi di pa stable. May tumataas, may bumababa. But we are doing our best,” aniya. Dagdag pa niya na kamakailan ay kumuha ang pamahalaang probinsiya ng 160 healthcare workers gaya ng mga doctor, nursem at utility staff upang masiguro ang paghahatid ng wastong serbisyo sa kalusugan sa mga Pangasinense.

Hanggang Oktubre 5 ay nakapagtala ang Pangasinan ng 28,566 recoveries sa 31,615 kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19 na may 1,011 nasawi at 2,038 aktibong mga kaso.

(HA-PNA Pang./PMCJr.-ABN)