Mga tagasuporta ng magkaribal na politiko sa Abra nagbarilan

BANGUED, ABRA – Nagkaroon ng maikling barilan sa pagitan ng mga tagasuporta ng dalawang magkaribal na politiko ang nangyari sa Lagayan, Abra umaga ng Huwebes (Enero 3).
Sinabi ng Lagayan police na inalerto sa isang insidente ng barilan ay nakakita sila ng isang abandonadong pulang Ford Ranger pick-up na walang plaka at diumano’y pag-aari ng Lagayan local government unit sa gilid ng isang ilog sa barangay Collago na may mga butas sanhi ng mga bala ng baril lagpas alas-siyete ng umaga noong Huwebes.
Nakakita rin ang mga pulis, halos 800 metro mula sa inabandonang Ford Ranger, ng isang nakaparadang Nissan Navarra pick-up na may plakang POQ 615 na may mga tama rin ng bala ng baril.
Ayon sa pulis ay nalaman nilang ang puting Nissan pick-up ay minamaneho ni barangay kagawad Jayron Dulig Martinez, 31, ng barangay Collago kasama si Brix Aquino Donato, 17, na papunta diumano sa barangay Collago at habang nasa kahabaan ng ilog ay napansin nilang sinusundan sila ng isang pulang Ford Ranger pick-up. Habang tumatawid na sila sa ilog ay napag-alamang nilagpasan sila ng Ford Ranger pick-up, hinarangan ang daanan at nag-umpisang pagbabarilin sila ng mga nakasakay dito.
Hindi tinamaan sina Martinez at Donato na tumakbo papunta sa isang barangay kung saan sila nagtago, ayon sa pulis.
Kinilala rin ng police ang mga suspek na nakasakay sa pulang Ford Ranger pick-up na sina Nonoy Blaza, Jaypee Bersamira, Benjie Vista, Jerome Andoy at isang “Baldat” na kasalukuyang tinutugis.
Gayunman, ayon kay Lagayan mayor Jendricks Luna, na sinuspinde ng anim na buwan kasama ang kaniyang asawa at vice-mayor na si Chrisma Joy ng Abra provincial board dahil sa administrative case, na si Blaza, driver ng Rural Health Unit (RHU) ng Lagayan LGU at kaniyang kasama ang diumano’y tinambangan ng mga sakay ng puting Nissan Navarra pick-up.
Ang mga sakay ng puting Nissan pick-up ay kinilalang kapanalig ni Lagayan mayoralty bet Edmarc Crisologo na humahamon kay Luna sa nakaraang tatlong lokal na eleksiyon.
Agad na nanawagan si Abra governor Jocelyn Bernos sa dalawang partido na “maging kalmado at isagawa ang political maturity”. Istriktong nanawagan siya sa police at military upang hadlangan ang kagayang uri ng insidente na nakakasira sa maayos nang klima ng halalan sa Abra.
“We do not need these kinds of bravado,” ggit nito habang hinihimok ang political leaders ng probinsya na “instead focus on sustaining the gains of the province towards growth, prosperity and progress,” ani Bernos.
Samantala, kinabukasan (Enero 4) ay nagdemanda ang mga itinuturong nag-ambush kontra sa mga naturingang biktima.
Ayon kay Abra police director Sr. Supt. Ceasar Tannagan, isa sa mga sinasabing nakasakay sa Ford Ranger pick-up ay lumantad upang ihayag ang panig nito at maghain ng counter charges laban sa mga nakalulan sa puting Nissan Navarra pick-up.
A.ALEGRE/PMCJr/ABN

Amianan Balita Ngayon