Mga tsuper sa Pangasinan, di sumali sa transport strike

LUNGSOD NG DAGUPAN – Hindi sumali ang mga tsuper ng jeepney sa lungsod na ito at ibang lugar sa Pangasinan sa malawakang transport strike ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) noong Lunes.
Ito ang inihayag ni Benny Aquino, presidente ng Alliance of Concerned Transport Organization Provincewide (AUTOPro) at sinabing wala silang natanggap na komunikasyon mula sa kanilang national president ukol sa kanilang partisipasyon sa strike.
Ang AUTOPro ay naka-affiliate sa Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) na pinamumunuan ni
Efren de Luna na naunang nagsabing hindi sila sasama sa nationwide strike ng PISTON.
Sa isang panayam kay De Luna umaga ng Lunes sa Bombo Radyo Dagupan ay nanawagan siya sa kanilang mga miyembro sa Dagupan at Pangasinan na huwag sumama sa strike.
Ayon kay De Luna ay pumayag ang kaniyang grupo sa panawagan ng Department of Transportation (DOTr) hangga’t ang mga kasalukuyang jeepney ay ma-modernized at ma-rehabilitate para sa kaginhawaan at kaligtasan ng mga mananakay at hindi ma-phase out ang mga ito sa kalsada.
Pinuna niya ang PISTON dahil sa pagtutol nito sa modernization program at wala man lang kahit anong panukala o alternatibong hakbang na ibinigay sa gobyerno ukol sa bagay na ito.
Nanindigan si De Luna na ang mga sirang jeepneys lamang ang aalisin sa lansangan at ang mga operators nito ay mabibigyan ng pagkakataon na mag-apply ng loan sa gobyerno upang makabili ng modernong jeepney gaya ng mga modelong iprinisinta ng DOTr at walang kapital na magmumula sa kanila. PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon