Mga tunay na lider, alam kung kailan tumanggap ng pagkatalo

Editorial

Tapos na ang mahaba, nakakapagod, magastos at maiinit na panahon ng kampanya at natapos na rin ang pinakahihintay na resulta ng 2019 mid-term elections.

Tapos na rin ang bangayan, palitan ng akusasyon at paninira sa pagitan ng mga kandidato. Tapos na rin (o baka hindi pa) ang mga pang-ulong balita na puno ng mapangdudang suhestiyon na ang halalan ay maaaring “nahack” o “may dayaan” kahit pa siniguro ng Comelec ang kalinisan at kaayusan nito.

Nakakabahala pa lalo ang posibilidad na ang mga ganitong istorya ay maaaring makasira sa resulta ng halalan kung hindi magiging maayos ang lahat sa araw ng eleksiyon.

Tapos na nga ang halalan. Nagsalita na at narinig na ang boses ng taong bayan – may nanalo at may natalo na.

Ang maganda sa ating demokrasya ay inaayos natin ang sigalot sa pagboto at mga batas, hindi sa mga tanke at baril. Ang tradisyon na ito ay posible dahil itinuturing natin ang ibang partido bilang katunggali at hindi kalaban, at nirerespeto natin ang integridad ng ating mga demokratikong institusiyon.

Kung ang pagitan ng boto ay napakalapit ay sumasandal tayo sa ating electoral system at sa ating judicial system upang gamitin ang patiuna-nang-ipinasyang mga tuntunin para dalhin ang eleksiyon sa isang kasunduan.

Ang alternatibong paraan bukod sa pagtitiwala sa eleksiyon at
alituntunin ng batas ay malayong mangyari at dapat tahasang tutulan na may diin. Nang maipasok na ang boto at mabilang na ay inaasahan natin ang mga natalong kandidato ay tatawag upang batiin ang mga nanalo at tanggapin at ipahayag sa publiko ang hatol ng mamamayang botante.

Ang pagtangging tanggapin ang resulta ng eleksiyon ng buong-puso at walang pasubali ay hindi lamang mali kundi hindi maka-Pilipino.

Ang magiliw na pagtanggap ng pagkatalo ay isang tunay na makapangyarihang mga sandali ng buhay-politika ng ating bansa.

Bago mahuli ang lahat ay dapat manawagan tayo sa politikal, media, at civic leaders upang linawin na hindi ito isang laro. Inaasahan natin ang hindi pinalad na mga kandidato na tanggapin ang pagkatalo at manawagan sa mamamayang Pilipino na magkaisa bilang isang bansa.

Marami nang natalong kandidato ang agad tinanggap ang pagkatalo at binati ang mga nanalo, may ilan din ang atubili pa rin dahil umaasa pa rin ng isang “milagro”.

Sa mahigit na tatlumpung taon bilang politiko at paninilbihan sa publiko ay hindi pa nakatikim ng pagkatalo sa eleksiyon si Mayor Mauricio G. Domogan ng lungsod ng Baguio, mula sa pagiging councilor noong 1988, mayor sa tatlong termino, kongresista ng tatlong termino at mayor muli sa tatlong termino.

Sa isang iglap ay nakatikim na siya ng pagkatalo sa kamay ni Mark O. Go na nanalo bilang kinatawan ng nag-iisang distrito ng Baguio sa ikalawang pagkakataon na may napakalaking agwat ng boto – 58,409 kay Go at 30,129 kay Domogan, 28,280 na lamang sa boto.

At marahil kahit pa “nag-one-on-one” sila at pinagsama ang lahat ng boto ng tatlo pang kandidato ay hindi sapat para talunin ang boto para kay Go.

Bilang isang tunay na lider ay agad tinanggap ni outgoing Mayor Maurcio G. Domogan ang pagkatalo at nagpahayag na ipagpapatuloy pa rin niya ang paglilingkod sa lungsod sa kaniyang
pribadong kapasidad.

Hindi rin matawaran ang mga nagawa ni Domogan para sa lungsod ng Baguio na naging “ama” nito sa loob ng tatlong dekada. Subalit lahat ay may hangganan at katapusan, ngunit hindi ibig sabihin nito na hindi na maaaring ipagpatuloy ang paglilingkod sa mamamayan at sa bayan.

Walang mas nakakaalam sa pait ng damdamin ng pagkatalo kundi ang mga lumabas na ikalawa. Gayunpaman, kapag nangyari na, bawat isa sa mga kandidato ay isinasantabi ang personal na partisan politics upang kilalanin ang nanalo.

At walang sinuman ang may mas mabuting plataporma o boses upang ibahagi ang kanilang mga karanasan sa mamamayang Pilipino.

At habang walang eleksiyon na walang antala at problema, bawat natalo sa isang modernong paligsahan ay laging tinatanggap ang kanilang sariling pagkatalo at binabati ang mga nahalal sa oras na napawi na ang usok (hindi man sa kaligayahan kundi kahit man lang sa konting giliw).

Magtiwala tayo na malalagpasan ng demokrasya ng Pilipino ang halalan na ito, sinuman ang nanalo sa karera sa kung anong agwat, anuman ang resulta at personal man tayo na umaayon o hindi sa “binilugan ng itim” ng kapuwa natin botante – tayo bilang taongbayan ay dapat panagutin ang mga kandidato (nanalo at natalo) na tanggapin ang kagustuhan ng mamamayan.

Ang lakas ng demokrasyang Pilipino ay malinaw na nakikita sa pamamagitan ng mga paghihirap na malalagpasan nito, gaya ng isang tunay na lider at atleta na bumabangon sa bawat pagkatalo.

 

PMCJr