“Midnight biddings ng DPWH-CAR nangangamoy?”

Tatlong araw bago maluklok si Pangulong BBM ay umalingasaw ang sangsang ng “midnight biddings” sa DPWH-CAR.

Kahinahinalang minadaling mapa-bid ang halos P2B infrastructure projects sa Mountain Province nitong Martes at Miyerkoles. Ngunit bumulalas ng pangambang may hokus-pokus sa pagpapasakamay sa mga “napili” nang contractors ang 11 rocknetting slope
protection projects na umaabot sa P1,832,076,440.46.

Sa hiling na pagsisiyasat ni anticorruption activist Juniper Dominguez ng Sabangan, Mountain Province, napakabilis tinapos ang bidding process dahil una nang “naayos” ng mga contractor ang mga opisyales ng DPWH-CAR.

Sa madaling sabi, dating gawi! Tama ba ang hinalang may “fixing” na nangyari? Hindi naman masamang mapabilis ang bidding process, kung itong pagpapabilis na ito’y magreresulta sa kapakinabangan ng taumbayan. Ngunit hindi kagyat na kapakinabangan ang rocknetting projects sa Mountain Province, ayon sa mga kritiko at nagmamatyag.

May pagdududa ang taumbayan bakit inuuna ang halos dalawang bilyong halagang rocknetting projects kaysa mga proyektong mas pakikinabangan ng mga magsasaka, ng kalakhang mamamayan ng Mt. Province at magdudulot ng kaunlarang panlipunan hindi ng iilan lamang.

Amianan Balita Ngayon