MIF, DROGA, PUSLITAN, ETC…..?!&??

Habang sinusulat ang espasyong ito….ilang tulog na lang…Christmas na. Sumasabay naman ang tambak ng mga kontrobersiya. Katunayan nga pati gastos na limang daang peso para sa Noche Buena ay pinagdedebatehan pa kasabay sa palitan ng kuru-kuro sa isyu ng Maharlika Investment Fund, ilegal na droga at mabibigat pang usapin. Sige, kakaliskisan natin ang mga ire, kasama kayo,
mga pards: Tiyak marami na namang biyaya para sa bansa ang dinaluhang ASEAN-EU Summit
ni Pres. Bongbong Marcos Jr. sa Belgium.

Una na rito ang patrabaho, kapakanan ng mga OFWs, pa-negosyo, direktang flight sa pagitan ng Belgium at Pilipinas, napalakas na ugnayan ng dalawang bansa at marami pang pangkaunlarang usapan. Pero ang silip ng mga kontra, pasyal at hindi trabaho ang lakad. Upak ng mga nakakaunawa: epal daw lang yan para makatawag pansin. Habang nasa Belgium ang pangulo…tawag-pansin ang naganap sa PDEA kung saan ilang tauhan nito ang nabuking na sangkot sa illegal drugs na mismong opisina pa nila (NCR) ang ginawang bentahan.

May aksiyon na dito at pati nga si Sen. Bato na dating PNP Chief ay naalarmahan na. Kasi nga naman noong panahon nila ni dating pangulong Digong, tudohigpit ang programa kontra ilegal na droga. Baka raw may pagluluwag kaya nakakasalisi ang mga sindikato. Nakasuhan na raw ang mga suspects. Dapat lang, ika ng marami. Dapat daw ay mas mabigat ang parusa dahil sila na nagpapatupad ng batas…eh, sila pa ang sumusuwag.

Maganda ang kartada ng pamahalaan kontra ilegal na droga at puslitan ng mga produkto mula ibang bansa. May mga nabubukong imbakan kung saan ang pinakahuli ay mga sibuyas na di na
mapapakinabangan dahil nabubulok na. Ang mabigat na tanong ay ito: sa isyu ng droga…naparusahan na daw ba o hanggang sa imbestigasyon lang? Sa isyu ng puslitan, may mga smuggler na bang napakulong? Idagdag na natin ang mga naglabasang mga scam na pinagkakaperahan ng
mga gumagawa nito….malulutas na kaya sa pamamagitan ng inangklang sim-card registration?

Mabalik tayo sa isyu ng MIF o ang Maharlika Investment Fund…na habang lumalakad ang panahon, parang Stallion naman sa bilis maglabasang idea tungkol dito. Katunayan, kahit pa may
pahayag ang pangulo na ang MIF ay makakatulong sa paglago ng ekonomya at pangkabuhayan ng
bayan…tapik naman ni Chief Presidential Legal Counsel Sec. Enrile, “hinay-hinay lang” lang daw tayo sa isyu ng MIF.

Dapat pag-aralang maigi ni Pres. Bongbong upang maiwasan ang sisihan sa bandang huli. Ang pangulo kasi ang pipirma sa batas sakaling makalusot sa Kongreso. Matatandaang hindi na isinama ang SSS at GSIS sa pagkukunan ng pondo kundi mula sa mga bangko na lang daw. Pero may mga kontrobersiya pang dapat maplantsa hinggil diyan. Magpapasko na kaya panahon na naman ng
regaluhan. Ang magandang regalo ng kapulisan at military…alerto at di na raw kailangan ang ceasefire. Alerto rin ang CSC kontra sa pagreregalo at pagtanggap ng mga regalo ng mga tagagobyerno.

Bawal daw. Nasusunod kaya ito? Buhay nga naman. Maraming utos pero di naman naipapatupad. Buti pa dito Baguio City, ang sikat na Panangbenga ay tuloy na sa Pebrero. Pati Street Dancing at
Float Parade ay babalik na sa Peb. 25 at 26 (kung walang pagbabago sa inilatag na ratsada ng siyudad). Sabagay, ayon sa DOT…dapat buhayin muli ng mga LGUs ang dating programang panghatak-turista sa panahong ito na medyo humuhupa na si Covid-19. Pero paala-ala ng DOH – huwag magpakampante. Pairalin pa rin at sundin ang health protocols. Adios mi amor, ciao, mabalos.

FARM TO FASHION

REPORT IT OUT

Amianan Balita Ngayon