Missing foreigner, natagpuan sa bangin

BAGUIO CITY — Makalipas ang walong araw pagkawala ng isang tourist French national, ay natagpuan ito ng mga search and rescue team sa gilid ng bangin, noong Miyerkoles ng hapon.

Nanghihina nang matagpuan si Jacques Francioly, 70, sa may bangin ng Sitio Sikling, Barangay Latang, Barlig, Mountain Province, dakong alas 3:00 ng hapon, ng mga rescue team na kinabibilangan ng tour guides, local disaster risk reduction management, tourism at police personnel.

Nabatid kay Lt. Morris Pangket Nay-osan, ng Barlig MPS, hinang-hina nang matagpuan si Francioly at agad na dinala sa hospital. Makalipas ang ilang oras ay inilipat ito sa Luis Hora Memorial Regional Hospital,Abatan, Bauko, Mountain Province, na agad naman naging normal ang condition nito.

Ayon kay Nay-osan, si Francioly ay nag-checked in sa Halfway Inn and Restaurant, Barangay Gawana,Barlig, noong Enero 13.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Edelwina Pakurao Manonggit, manager ng hotel, na si Francioly ay nagpaalam na aalis noong Enero 14 para magsite – seeing at magbabayad ng bills sa pagbalik niya.

Makalipas ang ilang araw ay iniulat ng hotel sa pulisya na hindi na bumalik ang foreigner at nang tignan ang kuwarto nito ay nandoon pa ang mga kagamitan nito, kaya’t agad na nagsagawa ng search operation ang pulisya.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon