MISYON KAAKIBAT NG KONSU-MISYON!

Bakit kaya sa tuwing may mga magagandang misyon sa ating buhay, laging may kunsumisyon? Kambal ba etong dalawa? O kaya’y sa bawa’t adhikain ay may pagsubok? Buhay nga naman. Salamat naman at hindi muling bumuntot at nangunsumi ang mga Chinese Coast Guard sa misyong ginawa kamakalawa ng Atin Ito Coalition (samahan ng mga pribadong nagmamalasakit na mamamayan) at naging matagumpay ang kanilang isinagawang pagdadala ng ayuda kasama ang gasolina sa mga mangingisda natin sa West Phil Sea.

Ayon sa monitoring ng Phil Coast guard…tinangka raw namang bumuntot ang ilang barko ng Tsina ngunit, inilarga pa rin ng Atin Ito Coalition ang kanilang misyon. Buti naman upang matulungan natin ang ating mga mangingisdang kasama ng PCG na nagbabantay sa ating mga teritoryo. Pero sa paglalayag ng mga eroplano ng Coast Guard…may mga Chinese vessels pa rin silang namataang umaali-aligid sa mga gustong angkining teritoryo ng
Pilipinas.

Habang sinusulat ang espasyong ito, umarangkada na ang panghuhuli ng mga otoridad sa mga PUVs na papasada pa
rin kahit hindi nakapagconsolidate sa ilalim ng PUV Modernization Program ng pamahalaan. Ayon sa ulat, may
multang aabot sa P60K sa mga mahuhuli. Sus, ginoong maawain…ano na kaya ang mangyayari sa pamilya ng mga
tsuper at operators ng jeep na hindi nakapag-consolidate? Natural, dagdag na naman sila sa mga ating mga kababayang walang trabaho at magugutom.

Sabagay, hindi naman siguro sa nilalahat dahil masikhay at maremedyo si Pinoy. Tiyak na may mga ginawa na silang pamamaraan upang mabuhay nang legal. Maala-ala pa natin kamakailan kung saan may panukala si Gov. Chavit Singson ng Ilokos na bukas-palad siyang tutulong sa mga operators na gustong magkaroon ng modernong jeep na pamasada. Mas mura ito kaysa sa halos dalawang milyong halaga ng imported na PUV. Ano na kaya ang nangyari?
Napaulat kamakailan, ayon sa Bureau of Corrections (Bucor) na may isang PDL (person deprived of liberty) ang isinailalim sa emergency surgery nang hindi mailabas ang itinagong cellphone sa loob ng PUWET.

Ayon sa ulat, nabuking ang cellphone nang nag ring habang nasa loob ng puwet ng PDL. Dahil dito, hinihigpitan na
ang pagtanggap ng dalaw at humihiling si Direrctor General Gregorio Catapang Jr. ng Bucor ng body scanner upang makita ang lahat ng mga itinatago sa katawan kahit walang body contact. Kamakailan, ipinatigil ni Catapang ang
pagpapatupad ng “strip at cavity search” habang wala pang rekomendasyon sa gagawing pagrepaso ng CHR sa protocol ng Bucor para sa mga dalaw.

Dagdag pang ulat ng Bucor na may 19 na insidente na silang naenkuwentro kung saan bukilya nila ang pagtatago ng mga illegal na gamit pati droga sa maseselang parte ng mga PDL at dalaw. Maryusep…cellphone sa puwet? Magkakasya maski mga makabagong malalaking cellphone? May maganda at “unique” na panukala sa PAGASA ni Sen. Francis “Tol” Tolentino na ngayon lang maaring maganap. Sana daw ay isama sa ilalabas na weather update kung ano ang kulay na damit na dapat isuot upang maging angkop sa panahon. Ang panukala ay pinagaaralan ng PAGASA. Ayon kay Sen. Tolentino, kung mainit ang panahon, PUTI o LIGHT COLOR , at kung maulan naman ay DARK COLOR ang suutin. Simple at praktikal na solusyon. Angkop sa pagbabago ng panahon. Adios mi amor, ciao,
mabalos.

Amianan Balita Ngayon