Modernization, ibabaon sa utang ang drayber at operator – PISTON Baguio

Nagkaisa ang mahigit 100 na operator at driver sa lungsod at probinsiya ng Benguet na sumama sa ikinasang transport strike sa buong bansa noong Oktubre 16 (Lunes) bilang pagtutol sa planong modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan na tulad ng jeep ng kasalukuyang administrasyong Duterte.
Ayon sa presidente ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) Baguio-Benguet na si Carlito Wayas, hindi ang buong modernization program ang kanilang tinututulan kundi ang mga kundisyon na nakapaloob dito na magpapahirap sa mga driver at operator ng mga jeepney.
“Kinikilala namin na maganda ang planong modernization sa mga pampublikong sasakyan. At nararapat lamang na bukod sa maganda ay dapat ding nasa maayos na kondisyon ang mga jeepney. Pero ang planong modernization program na gustong ipatupad ay magbabaon sa amin na ordinaryong operator at driber sa utang. Hindi namin kayang bayaran ang mga bagong sasakyan na ito na mahigit pa sa isang milyong piso,” ani Wayas.
Sa modernization program, ang bawat unit ng jeepney ay nagkakahalaga sa hanggang P1.6milyon. Para makatulong, inaprobahan ng Department of Budget and Management (DBM) at ng Department of Finance ang nasa P80,000 na subsidiya sa 28,347 pampublikong sasakyan sa susunod na taon.
“Kahit na may subsidiya ang gobyerno na ibibigay, hindi pa rin ito sasapat dahil ang patakaran ay hindi dapat bababa sa damping unit ng sasakyan ang dapat mong bilhin. Kung hindi mo kaya ay pwede kang bumuo ng kooperatiba na hindi rin dapat bababa sa sampung miyembro para makabili. Isa ito sa mga patakaran na tinututulan namin” aniya.
Higit dito ay nangangamba ang kanilang grupo na kung sakaling matuloy ang modernization, maaaring kontrolin at manipulahin ng mayayamang tao ang transportasyon. “Dahil sila ang nakabili at nagkokontrol sa transportasyon ay sila rin ang kokontrol sa pamasahe kung saan pwede nila itong taasan. Ang tinitingnan na nila dito ay yong kikitain at hindi ang makapagbigay ng serbisyo,” wika ni Wayas.
Nauna nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi ipi-phase out ang mga public utility vehicle kundi imo-modernize lamang nila ito.
Umaasa ang iba’t ibang grupo ng mga drayber at operator sa Baguio-Benguet na mapakinggan at mapagbigyan sila sa kanilang kahilingan. Kung hindi man ay makagawa ang gobyerno ng pang-masang modernisasyon sa sektor ng transportasyon na higit na makakatulong sa kanilang kabuhayan. DIONISIO DENNIS JR. / ABN
 

Amianan Balita Ngayon