Motorsiklo sumalpok, 1 patay 1 sugatan

Sumalpok ang isang motorsiklo sa gilid ng kalsada ng Sitio Nagkawangan, Barangay Poblacion, San Isidro, Abra dakong 9:40pm ng Marso 21, 2017.
Kinilala ang mga biktimang sina Jemar Bajo Taculao, drayber ng pulang Honda TMX 155 na may plakang 2592 AY, 17 taong gulang, single; at ang sakay nitong si Wilmar Borlas Bidaya, 17 taong gulang, parehong residente ng Barangay Manayday, San Isidro, Abra at kapwa mag-aaral ng San Isidro National High School.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga biktima at iba nitong kasama ay nag-inuman sa Barangay Dalimag, San Isidro, Abra. Pagkatapos ay nagpasiya na silang umuwi ngunit sa kanilang pag-uwi, isang Yamaha DT 125 na minamaneho ni Joel Callos, 16 taong gulang, residente ng Barangay Manayday, San Isidro, Abra ang umabante samantalang ang Honda TMX na nasa likuran ang nagbigay ng ilaw sa Yamaha DT dahil sa sirang headlight ng nasa harap na motorsiklo. Nang makarating sa Sitio Nagkawangan, San Isidro, Abra, ang Honda TMX ay nawalan ng kontrol at nabunggo sa mabatong kalsada.
Ang mga biktima ay isinugod sa Abra Provincial Hospital ng rumespondeng PNP personnel ng San Isidro ngunit idineklarang dead on arrival si Taculao ng attending physician na si Dr. Belmor Bernal samantalang ang sakay nitong si Bidaya ay kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon. Ang kaso ay kasalukuyang iniimbestigahan.

Amianan Balita Ngayon