Movie makers ban muna sa Baguio, Trahedya sa Itogon

Opinion

Na wrong move! Ito ang naging salita ng ilang residente ng Baguio dahil sa pagtakas ng actor na si Arjo Atayde na nagpositibo sa Covid-19 (buti hindi delta variant)kasama ang 9 pa nitong kasamahan sa isang ginagawang pelikula sa lunsod ng Baguio na kung saan ay 2 buwan na pala ang mga ito sa lunsod.

Sa haka-haka at kuru-kuro ng ibang tao ay malamang dito nahawa ang mga actor at actress sa sakit na Covid-19 dahil ayon sa isang bubuwit sa loob ng City hall ay bago pa man ay nagsagawa na ng RT-PCR ang mga miyembro ng pelikulang ito ibig sabihin ay walang nagpositibo sa kanila ngunit nagkaroon ang 10 actor/ actress nitong huling mga lingo na nila sa shooting ng pelikula.

Halos may kabuuang 100 na katao ang nasabing kasama sa pelikula. Yung iba namang mga residente ng Baguio na medyo malikot ang isip ay maari daw na nakuha nila ang virus sa kanilang pinanggalingan dahil may balita na minsan daw ay may nakakalabas ng Baguio sa mga actor/actress na ito.

Aba e gaano kaya katototoo ito ka Pabling!. Nabuking lang ang mga ito ng umiskapo si Atayde sa lunsod na hindi hinintay ang resulta ng kanyang antigen bago ito lumabas ng Baguio na kung saan sampu ang nagpositibo sa kinunan ng antigen kasama na si Atayde.

Siyempre na “bash” na naman ang ating mayor dahil sa nangyaring ito na anila kapag artista payag agad si mayor at hindi nakakasuhan pero pag ordinayong tao ay halos idemanda pa nila ang mga ito.. Asan daw ang katarungan?

Kaya ayon kay Mayor Benjamin Magalong ay hindi na muna siya papayag sa anumang film shooting sa lunsod dahil sa banta umano ng “delta variant” at maghihigpit na raw siya. Ipinatigil muna ang shooting at masusing ini-imbestigahan ngayon ng pamahalaang lungsod ang bubble breach of protocol at hindi pagsunod ng mga crew sa alituntunin at posibleng masampahan ng kaukulang kaso.

Ang siyam na movie workers ay agad na dinala sa isolation facility, maliban kay Atayde na agad din isinugod sa ospital sa Maynila,matapos malaman nito na siya ay positibo. Lumalabas dito mga kababayan na sumuway ang mga artista sa bubble health protocol dahil may mga tao silang umaalis at bumabalik ng Baguio na hindi na dumadaan sa triage.

Ang mahirap pa diyan positibo si Atayde at maaring may mga nakasalamuha siya na maaring mahawa. Buti na lang at ang 90 na mga movie crew ay nailagay sa isolation facility sa loob ng 14 na araw at mahigpit na binantayan para hindi makalabas ang mga ito. Napagalaman na sinundo na ang mga ito ng kanilang pinagtatrabahuhang film production.

Kaya dapat lang na maghigpit ang syudad ng Baguio upang hindi makapasok yang delta variant na virus dahil mahirap malagay ang ating lunsod sa ECQ. Isang pagsaludo sa mga rescue volunteers, sa mga tauhan ng Itogon Police, Firemen ng Itogon, Barangay Officials ng Loacan dahil matapos ang tatlong araw na search and rescue operations ay natagpuan din sa wakas ang mag-live in partner na kapwa minero na natabunan mula sa gumuhong
bahagi ng bundok noong umaga ng Agosto 17, sa Antamok River, Loacan, sa bayan ng Itogon sa lalawigan ng Benguet.

Ayon sa tagapagsalita ng Cordillera Police Office na si Capt. Marnie Abellanida, unang nakuha ang bangkay ni Nestor Talangcag,54, noong Agosto 19, dakong 2:20 ng hapon, samantalang kinabukasan,Agosto 20, ay narekober dakong alas 8:00 ng umaga ang labi ni Morina Simeon Lintan, 57, residente ng Beda, Loacan, Itogon, Benguet.

Hindi naging madali sa mga rescue group ang paghahanap sa mga bangkay ng mga natabunan dahil makapal ang lupang tumabon sa mga ito.

Matatandaan na ang mga biktima kasama ang kanilang anak ay naglalakad sa gilid ng bundok ng gumuho ang gilid ng bundok noong umaga ng Agosto 17, 2021 na siyang tumabon sa mag-asawa at sa kabutihang palad ay nakatakbo ang bata at nakaligtas ito at siya ang nagbigay-alam sa barangay hinggil sa nangyari sa kanyang mga magulang.

Likas na talaga sa ating mga Pilipino ang pagkakaroon ng pagkakaisa sa oras ng pangangailangan at kagipitan at yan sana ang huwag mawala sa ating mga kaugalian at inaasahan na sana ganun ang lahat ng Pilipino upang magkaroon ng pagkakaisa at ng umunlad naman ang buhay ng bawat isang Pinoy.