Muling pagbubukas ng Loakan Airport sa 2020, tinitingnan

LUNGSOD NG BAGUIO – Tinitingnan ng pamahalaang lungsod ang muling pagbubukas ng Loakan Airport na natigil ang operasyon nito noong 1990, sa pamamagitan ng isang publicprivate partnership (PPP).
Sa isang panayam kay Mayor Benjamin Magalong ay sinabi niya na makikipagkita siya sa mga opisyal ng Department of Transportation noong Miyerkules, Hulyo 31 upang talakayin ang panukala sa muling pagbubukas ng paliparan para sa commercial na operasyon.
“We are in the process of drafting a proposal which when agreed upon by the DOTr, the local government and DOTr would come up with an agreement that we will manage the facilities and the operation of the airport,” ani Magalong.
Ang Loakan Airport ay naitayo noong 1934 at nagiisang paliparan sa Cordillera. Bago ang lindol noong 1990 ay naseserbisyuhan ng mga commercial airplanes ang lungsod subalit natigil sa pinsalang dulot ng 7.7 magnitude na lindol na tumama sa Luzon noong 1990.
Sinabi ni Magalong na sa oras na mabigyan ang lungsod ng permiso na mag-operate sa paliparan ay papasok ito sa isang PPP scheme sa isang pribadong kompanya.
“We will look for a third party, a group that will fully oversee the management, will have direct management of the facility… agreement will be between the LGU and the third party,” aniya.
Ibinunyag din ni Magalong na makikipagkita siya sa mga opisyal ng PAL Express, isang PAL subsidiary matapos maunang lapitan siya tungkol sa planong muling pagbubukas ng paliparan.
“Fina-fast track namin. Hopefully by next year, early next year, mapatakbo na natin ‘yan, ma-open na natin ‘yan (We are fasttracking and hopefully by early next year, we can open it [Loakan airport] and operate it again),” ani Mayor Magalong.
Sa oras na operational na ay seserbisyuhan lamang ng paliparan ang domestic flights, isang hiling ng mga turista na naglalakbay sa Baguio.
Sinabi ni Magalong na nadismaya ang mga turista sa pagpunta sa Baguio dahil sa matagal na oras ng paglalakbay at pagsisikip ng trapiko.
Noong 2017 ay inilagay ng pamahalaang lungsod ang rehabilitasyon ng Loakan Airport sa mga prayoridad. Iniakyat din ito sa Regional Development Council sa 2018 Regional Infrastructure Development Projects para sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa unang semestre ng 2018 ay binisita ng mga opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang paliparan para tingnan kung ang ilang “upgrading” sa pasilidad ay magiging posible sa muling operasyon ng regular na biyahe sa ere.
Sa kasalukuyan ay ginagamit ang Loakan Airport ng Philippine Air Force at ng presidential chopper, ngunit hindi ng commercial flights dahil sa maliit na sukat, mga pedestrians malapit sa lugar at ang hamog na nakakabala sa night vision.
 
RHD-PNA/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon