Muling Pagbubukas ng mga Parke, Makatulong Kaya sa Paghadlang sa Pagpapatiwakal?

Ayon sa ulat ng World Health Organization, bawat taon ay halos 800,000 tao ang kinikitil ang sariling buhay at marami pa ang nagtatangkang magpakamatay. Bawat pagpapakamatay ay isang trahedya na nakakaapekto sa mga pamilya, komunidad at buong bansa at may mga matagalang epekto sa mga taong naiiwan. Dumarating ang pagpapakamatay sa buong buhay at ito ay pangalawa sa nangungunang dahilan ng pagkamatay sa mga edad 15-29 bawat taon sa buong mundo noong 2016.
Tinatayang nasa 20% ng pandaigdigang pagpapakamatay ay dahil sa paglason ng pesticides, karamihan nito ay nangyayari sa mga agrikulturang lalawigan sa middle-income na mga bansa. Ang iba pang karaniwang pamamaraan sa pagpapakamatay ay pagbibigti at pagbaril.
Hindi lamang nangyayari ang pagpapakamatay sa high-income na mga bansa, kundi isang pandaigdigang kababalaghan sa lahat ng rehiyon ng mundo. Sa katunayan ay mahigit 79% ng pandaigdigang pagpapakamatay ay nangyari sa low-income at middle-income na mga bansa noong 2016.
Ang pagpapakamatay ay isang seryosong problema sa pampublikong kalusugan, bagaman ang pagpapakamatay ay maaaring mahadlangan sa napapanahon, base sa ebidensiya at kalimitan mga murang interbensiyon. Para maging epektibo ang pambansang responde, isang komprehensibong multi-sectoral prevention strategy ang kinakailangan.
Kinikilala ng WHO na ang pagpapakamatay ay isang prayoridad na pampublikong kalusugan. Ang unang WHO World Suicide Report “Preventing suicide: a global imperative”, na inilathala noong 2014 ay layong itaas ang kamalayan ng kahalagahan ng pampublikong kalusugan ng pagpapakamatay at pagtangkang pagpapakamatay at gawing pinaka-prayoridad ang paghadlang sa pagpapakamatay sa pandaigidigang agenda sa pampublikong kalusugan. Layunin din nito na himukin at suportahan ang mga bansa na pahusayin o palakasin ang komprehensibong istratehiya sa paghadlang sa pagpapakamatay sa isang multisectoral public health approach.
Ang pagpapakamatay ay isa sa mga priority conditions sa WHO Mental Health Gap Action Programme (mhGAP) na inilunsad noong 2008, na nagbibigay gabay sa evidence-based technical guidance upang mapataas ang probisyon sa serbisyo at pangangalaga sa mga bansa para sa mental, neurogical at substance use disorders.
Sa WHO Mental Health Action Plan 2013-2020, ang mga bansang miyembro ng WHO ay nangako na magtratrabaho tungo sa pandaigdigang puntirya na pagpapababa sa antas ng pagpapakamatay sa mga bansa ng 10% sa taong 2020. Sa karagdagang gawain na magbigay kamalayan sa pagpapakamatay at mga sanhi ng panganib na nauugnay sa papapakamatay ay ipinagdiriwang ang Setyembre 10 bilang World Suicide Prevention Day sa pakikipagtuwang sa International Association for Suicide revention at ng World Health Organization.
Sino ba ang nanganganib? Habang ang kaugnayan sa pagitan ng pagpapakamatay at diperensiya sa pag-iisip (particular ang depresiyon at paggamit ng alcohol) ay napatunayan sa high-income na mga bansa, maraming pagpapakamatay ang mapusok na nangyayari sa mga panahon ng krisis sa panlulupaypay sa abilidad na humarap sa mga stress ng buhay, gaya ng problema sap era, pagkasira ng relasyon o malubhang hapdi at sakit.
Dagdag pa dito ay mga nakararanas ng alitan, sakuna, karahasan, pang-aabuso, o pagkawala at pagkabagot ay malakas na nauugnay sa pagnanais na magpatiwakal. Mataas din ang panganib sa mga mahihinang grupo na nakararanas ng diskriminasyon, gaya ng mga refugee at migrante; mga katutubong tao; mga LGBTI; at mga bilanggo. Sa ngayon, ang lubhang mapanganib na dahilan ng pagpapakamatay ay isang dating pagtatangkang pagpapatiwakal.
Dito sa Lungsod ng Baguio ay muling nababahala ang mga opisyal ng lungsod sa mga ulat ng pagtaas sa bilang ng mga kaso ng suicide at domestic violence mula ng tamaan ang bansa ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 nitong huling bahagi ng unang ikapat ng taong ito.
Labinglima na pagpapakamatay ang kumpirmado mula ng ipatupad ang community quarantine sa lungsod kaya ginawang prayoridad ang kalusugan sa pag-iisip. Ayon sa City Health Services Office may 18 kaso ang naitala mula Enero hanggang Hulyo ng taong ito.
Dahil sa nakaka-alarmang bilang na ito ay ipinanukala na buksan na ang mga pampublikong parke sa lungsod para sa mga residente ng Baguio ngayong Setyembre ngunit alinsunod pa rin sa “health protocols” upang mahadlangan ang pagkalat ng COVID-19. Kailangan daw ito upang matugunan ang sitwasyon sa kalusugan ng pag-iisip ng mga residente ng Baguio at iiwas ang mga tao tungo sa “new normal”. Kailangan daw na maiba ang kapaligiran ng mga residente upang maramdaman nila na bahagi pa rin sila ng isang komunidad, ang komunidad ng Baguio.
Sa anim na buwan na pagkabagot, walang hustong pinagkakakitaan, hindi normal na sitwasyon at limitadong paggalaw ay sino ba naman ang hindi mabuburyong ang isip lalo pa’t hindi natin alam kung kailan talaga mahihinto ang pandemya ng COVID-19.
Maaari ngang makatulong ang muling pagbubukas ng mga parke sa kalusugan ng pag-iisip ng mga residente subalit kailangan ding masiguro na sa pagluluwag ng mga restriksiyon ay prayoridad pa rin na hindi na kumalat pa ang sakit na COVID-19.
 

Amianan Balita Ngayon