Multi-level parking sa dating city auditorium, umani ng hating reaksyon

Ang panukalang pagtatayo ng multi-level parking building na may concession areas sa lugar ng dating city auditorium sa Burnham Park ay nakatanggap ng magkahalong reaksiyon sa ginanap na initial public consultation na isinagawa ng konseho ng lungsod noong Marso 21.
May ibang tagapagsalita na pumayag at nagsabing ang lugar ay mas angkop sa layunin at isang mas mahusay na alternatibo sa Ganza at Melvin Jones habang ang iba ay nagkunot-noo sa panukalang nagpapanatili ng komersyalisasyon na, anila, ay hindi mabuti para sa parke.
Ani Councilor Edgar Avila, chair ng committee on urban planning, lands and housing at co-author ng nasabing panukala ay nagpapahintulot ng implementasyon ng master development plan sa Burnham Park partikular ang lugar ng dating city auditorium at ng bagong library grounds and parks management, na ang panukala ay isinasailalim sa patuloy na konsultasyon sa iba’t ibang sektor.
Magkakaroon ng panibagong pulong sa Abril 11, 9am, sa Sangguniang Panlungsod Session Hall.
“We encourage the various sectors to present their views and preferably their proposed alternative solutions to the city’s traffic problem,” ani Avila.
Aniya, ang panukalang ordinansa na kasamang iniakda nina Councilors Elmer Datuin at Mylen Yaranon, ay sagot nila sa mga taong salungat sa naunang parking proposal sa Melvin Jones, Ganza at ibang mahinang bahagi ng Burnham Park.
“And this one is backed up by an independent study conducted by the University of the Cordilleras,” aniya.
Sinabi ni UC Architecture Department Head Arch. Robert Romero, na siyang nagpakita ng Burnham Park Master Development Plan na isinagawa noong 2010 na hiniram ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni dating Mayor Reinaldo Bautista Jr., na ang pag-aaral ay malawakang isinagawa sa pamamagitan ng research, surveys at consultations sa iba’t ibang sektor at age groups.
Sinabi niya na nagbunga ito ng mga resulta na pinipili ng karamihan sa mga mangangalakal na magkaroon ng amenities tulad ng parking, kainan, mga tindahan ng souvenir na malapit at naturang lugar na may sukat na 1.3 ektarya ay nakitang pinaka-angkop para sa paggamit ng pinagsama-samang istraktura.
Gayunpaman sinabi niya na ang pag-aaral ay sumusunod sa konsepto sa paggawa ng Burnham Park upang maging “walkable” at ang pagsasara ng lahat ng mga kalsada sa loob ng parke ay kasama sa plano at ang Kisad Road papuntang Harrison Road lamang ang mananatiling bukas upang madaling i-access.
Sa ginanap na hearing, nagsumite ang XRC Mall Developer Inc. ng unsolicited proposal sa nasabing lugar noong Enero 5 at ipinakita ang kanilang plano na bumuo ng iba’t ibang paggamit sa istruktura na may three-floor basement na nakalaan para sa podium parking na maaaring maka-accommodate ng 40-50 tourist buses, 1,200-1,500 na sasakyan at anim na palapag na iba’t ibang concessions tulad ng commercial mall, pasalubong center at hotel na may event hall, auditorium at maaaring library na may investment na P800 milyon.
Anila, ang disensyo ay isasama sa local culture at gagamit ng green architecture concept na may solar panels, passive cooling o natural ventilation, water collection at recycling at isang materials recovery facility.
Siniguro nila na walang punong puputulin sa lugar.
Ang proyektong iminungkahing gagawin sa ilalim ng private-public partnership (PPP) ay ikokonsidera ng pamahalaang lungsod na ipapailalim sa tuntunin.
Sa nasabing open forum, sinabi ni freelance journalist Nonnette Bennet na ang proyekto ay maaaring solusyon sa problema sa trapiko subalit naghanap ng kasiguruhan na ang developer ay ipagpapatuloy ang ipinangakong green architecture concept at magdagdag ng landscaping at tree-planting projects sa Burnham Park.
Sinabi ni Lawyer Moises Cating na matagal nang may mga proyektong nais ipatupad sa naturang lugar ngunit wala ni isa ang nagawa kaya panahon na upang magkaroon ng proyektong “doable” o maisasakatuparan.
Ang homemaker na si Guia Limpin sa simula ay sumasalungat sa panukala at sinabing ang lungsod ay hindi na kailangan ng isa pang mall na matatagpuan sa business district dahil lalong magpapalubha ito sa trapiko ng lugar ngunit sa kalaunan ay kinilala nito na ang proyekto ay isang magandang ideya habang ang Lake Drive at iba pang mga kalsada sa loob ay sarado sa trapiko at “pedestrianized” bilang kasiguruhan ni Avila.
Hindi sumang-ayon sina old-timers Resty Refuerzo at urban planner Arch. Joseph Alabanza sa anumang construction sa parke at idiniin ang preserbasyon ng nito bilang “formal garden” na laan hindi sasakyan kundi sa mga tao para magpahinga at makipag-ugnayan sa kalikasan.
Ang panukalang ordinansa ay kasalukuyang nasa ikalawang pagbasa para sa deliberation. A.REFUERZO / ABN

Amianan Balita Ngayon