“Nabudol ba ang Pinoy sa perang polymer?”

Ang nagbabalik bilang Department of Finance chief ni PBBM na si Benjamin Diokno ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) governor noong ihinabol bago matapos ang termino ni PRRD na gawing polymer ang P1k.

At lumabas na nga ang polymer banknotes sa kalakhang publiko na animo’y karangalan at akala mo’y hudyat ng mga hakbang ng progreso. Ngunit sa likod nito’y mga katanungang nangangailangan ng paliwanag mula sa pamahalaan.

Bukod sa mga una na nating natanong na bakit fixed bidding ang nangyari sa pag-imprenta ng polymer P1k, ay lumalabas itong mas malayong mahal dahil kumpara sa $80 bawat 1,000 piraso ng P1K, ay $150- 200 bawat 1,000 piraso ang presyo.

Nangangailan din magbago ang mga ginagamit sa bangko na cash processing machines gaya ng makinang mabilis na nagbibilang, ATMs, desk counters at mga vending machines dahil mas mahaba ang polymer P1K.

Isa pa’y madaling mapeke ang polymer na pera ayon sa Phil. Fiber Industry Dev’t Authority (PhilFida) dahil plastic ito kasama na ang security features dahil mabibili lang kung saan saan ang gamit sa paggawa nito.

Bukod pa’y madaling mabura ang tinta sa polymer banknote lalo na sa mga tropical na bansa gaya ng Pilipinas gaya nang nagyari sa Nigeria at iba pang bansang tropical dahil makinis ito. Una nang ipinagbawal ng Bangko Sentral ang pagtupi sa polymer na P1k dahil makakaapekto sa print nito, bagay na iprinisinta nang matagal sa mga tumutuligsa niton noong mga nakaraang buwan bago pa maghalalan ng Mayo 2022.

Ayon pa sa mga tagamasid, nagbabadya ng monopolyo at kontsabahan ang pagmamanupaktura ng polymer banknotes dahil dalawa lamang ang supplier ng polymer na banknotes sa buong mundo. Samaktiwid, mistulang kawawa na naman ang Pilipinas kapag nais ng monopolyong itaas ang presyo ng materyales at mismong pag-imprenta nito.

Na-budol budol na naman ang Pilipino? Hindi, mas tumpak— na Diokno tayo!

Amianan Balita Ngayon