Nagkataon, Sinadya o Sistema Na: Kayo na ang Humusga

Opinion

Hindi maikakaila na liban sa pandemya ng COVID-19 ay patok na patok sa lahat ng uri ng balita ang umano’y umaalingasaw na baho sa PhilHealth dahil sa napapabalitang katiwalian at gawaing korapsiyon sa loob ng ahensiya. Lumalim ang imbestigasyon, mula Senado at Kamara at kalauna’y binuo ang isang multi-agency probe team sa pangunguna ng Department of Justice ay tila nasusukol na ang mga tinaguriang mga opisyal sa likod ng isang “Mafia” sa PhilHealth.

Dahil sa napangalanan na ang mga opisyal na ito at nagigisa na sa mga pagdinig ng Senado ay bigla naman silang nagkakasakit – at mga malulubha pang mga sakit. Sa pagputak ng isang “whistle-blower” na dapat sana’y siya ang magsisiyasat sa mga katiwalian sa loob ng ahensiya ay diumano’y hindi na nito nakayanan ang pressure sa loob at di na maatim pa ang mga kalokohang nangyayari sa ahensiya ng seguro sa kalusugan ng bawat isang Pilipino ay tuwirang tinukoy ang mga matataas na opisyal na siyang mga korap at nag-mamainobra ng katiwalian sa ahensiya.

Nagturuan na rin ang bawat isa sa mga pinangalanang mga opisyal at kani-kaniyang dawit na sila. Dahil pa rin sa pagtukoy sa ilang mga Regional Office ng PhilHealth na sobra-sobra ang mga ibinabayad sa mga partner na ospital at health facilities ay isang regional office sa Region 1 ang nabasa ang mga papeles dahil sa pagtagas ng tubig-ulan sanhi ng malakas na pag-ulan.

Hindi natin mawari kung ito’y nagkataon lamang dahil sa pagiimbestiga ng NBI ay natuklasang may nakabarang damit sa alulod ng gusali kaya umapaw daw at tumagas ang tubig sa loob ng mga opisina. Ang mga ganitong drama tuwing may mga maseselan at kontrobersiyang akusasyon sa mga matataas na opisyal ng gobyerno at mga ahensiya nito ay hindi na bago. Basang-basa na kumbaga ang mga istilong ito, sabi nga ng mahaderong kapitbahay ko ay “istayl niyo bulok”.

Subalit maging ganito man ang pangyayari ay may karapatan pa rin ang mga inaakusahan na patunayan na inosente sila at itanggi ang mga paratang sa tamang lugar at disposisyon. Harinawa at maging totoo ang banta ni Pangulong Duterte na may mananagot nga at makukulong dahil sa pagnanakaw sa kaban ng PhilHealth at pera ng bayan, kahit pa malapit sa kaniya ang mga ito.