Nagnakaw ng car stereo, nadakip

TRINIDAD, BENGUET -Nadakip ang isang 25-anyos na suspek sa pagnanakaw ng isang car stereo sa Upper Wangal, La Trinidad, Benguet noong Lunes, Pebrero 13.
Kinilala ang suspek na si Jameson Antonio Pagsay, walang asawa, labourer, mula sa Sookan, Gambang, Bakun, Benguet at kasalukuyang nakatira sa Pico, La Trinidad.
Ayon sa imbestigasyon, ipinarada ng biktima na si Lloyd Anton Sinisin, walang asawa, jeepney driver at nakatira sa Upper Wangal, ang kanyang jeep sa harap ng kanyang boarding house noong Lunes bago nagtungo sa Subic, Zambales. Bandang 11 ng gabi sa parehong araw nang bumalik siya at nakita niya si Pagsay sa harap ng kanyang sasakyan. Dahil dito, sumigaw siya dahilan para lumabas ang kanyang mga kapitbahay at alamin ang nangyayari. Sa kanilang paglabas, nakita nila ang suspek na hawak ang car stereo ng jeep ni Sinisin na nagkakahalaga ng P1,600.
Hinuli ng mga residente si Pagsay at nagtawag ng pulis. Kasalukuyang inihahanda ang kaso laban sa suspek na ipipila sa Benguet Prosecutor’s Office. Malou Aticao, UB Intern

Amianan Balita Ngayon