National connectivity project ng DICT, suportado ng Pangasinan

LINGAYEN, PANGASINAN – Buong suporta ang ibinigay ng lalawigan ng Pangasinan sa national government program upang bumuo ng internet facilities alinsunod sa connectivity projects sa pamamagitan ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ito ay nakapaloob sa Provincial Resolution No. 1396-2018 na inaprubahan ng provincial board sa ginanap na regular session noong Enero 29, na nagpapahintulot kay Gov. Amado I. Espino III upang lumagda sa memorandum of agreement kasama ang DICT.
Ang resolusyon na nilikha nina Board Members Antonio F. Sison at Napoleon Fontelera Jr., na nagsasaad na ang proyekto ay naglalayong ibaba ang gastos ng government internet connectivity na siyang susuporta sa National Broadband Plan (NBP), National Government Portal, Free Public WiFi Project, at lahat ng iba pang proyekto ng DICT, mga plano at inisyatibo, upang lumago sa mahabang panahon.
Sa kasalukuyan, ang DICT ang nangangasiwa ng proyektong “Strategic Engagement and Collaboration to Undertake a Reliable and Efficient Government Internet”.
Ang pagtatayo ng proyekto na tinatayang magtatagal ng dalawang taon, ay binubuo ng fiber optics ground-laying, samantalang ang operation at maintenance ay magtatagal ng halos 50 taon.
Inihayag ng DICT na ninanais ng gobyerno ng Pilipinas na mag-develop ng NBP at mapabilis ang deployment ng fiber optic cables at wireless technologies, gayundin ang mapabuti ang pangkalahatang internet speed at affordability sa buong bansa, partikular sa mga remote area.
Ang NBP, na siyang tumutugon sa pag-uusap para sa universal, mabilis at affordable na internet access, ay mayroong tatlong estratehiya, katulad ng establishment of policy and regulatory reforms, government investment in broadband infrastructure, at support for the stimulation of broadband demand. L. MICUA, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon