nCov…Naging COVID-19 na!

2019 nCoV, tatawagin na ngayong COVID-19. Bakit kaya? Ano bang nangyari? Ano bang kaibhan kung sakali? Maraming nagtataka kung bakit biglaan yatang pinalitan ang pangalan ng virus na ito? May nagsasabi pang puwede rin daw maging Wuhan Coronavirus o Huebe Coronavirus at etsetera pang tawag. Pero bakit kaya ang napili ay COVID-19? Sundan, mga pards:
******

Bago ang lahat…sana masaya at naging makabuluhan ang araw ng mga puso kamakailan. Belated St. Valentine ’s Day sa lahat lalo na sa mga bansang tinamaan ng Coronavirus Disease. Ito na ang isyu ng COVID-19: Inihayag kamakailan ni World Health Organization (WHO) Director General Tedros Adhanom Ghebreyesus na ang 2019 novel coronavirus (nCoV) at tatawagin ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Ghebreyesus, nagkasundo sila ng World Organization for Animal Health at Food and Agriculture Organization na magbibigay ng pangalan ng nasabing virus na HINDI TUTUKOY sa lugal, pangalan ng hayop o tao na madaling bigkasin. Ito pa raw ang siste – ito na ang stardard na format para sa mga susunod na mga coronavirus outbreaks.

Kasi nga naman, kapuna-puna mga pards na sa nakalipas na mga araw mula nang pumutok ang nCoV na ito…sala-salabat na ang mga naglabasang inpormasyon at marami ang di magkasundo. At para iwas-lito, ito na ang COVID-19, period!

******
Ang magandang balita…naghayag ang WHO na magkakaroon na raw ng pagkakataong mapahinto ang paglaganap ng virus na ito dahil sa susunod na 18 buwan ay maari umanong handa na ang bakuna laban sa sakit. Totoong magandang balita ito, pards..pero por-dies por-Santo…sa loob ng isa’tkalahating taon na paghihintay (18 months)…tiyak na marami na ang mangyayari.

Tiyak na marami pang kaso ang maitatala. Maaring lalala pa ang sakit at marami ding mamamatay di ba? Dito lang sa Pilipinas, meron na tayong 408 na PUIs o Persons Under Investigations.

Mas lalo pa sa ibang bansa gaya ng China. Katunayan nga…sa loob lang ng magdamag, ayon sa ulat ng WHO, ay may 94 na panibagong bilang ng mga nasawi sa Hubei Province sa China dahil sa COVID-19. Ibig sabihin, mula sa 1,018 na death toll ay umakyat na sa 1,112 ang bilang ng mga nasawi sa naturang sakit – 1,110 mula sa China, isa sa Hong Kong at isa sa Pilipinas.

Inuulit natin na Chinese ang namatay dito sa bansa. Dagdag pa sa ulat na sa buong mundo, umakyat na sa 44,789 ang naitalang kaso ng sakit na ito. Ang malaking bilang nito o 44,311 ay naitala sa China. Kaya marami ang kinakabahan na sa laki ng bilang na mga ito…ano na kaya ang magiging bilang makaraan ang 18-buwan na paghihintay sa sinasabing bakuna?
******
Maraming dumadalangin na sana ay huwag ng umabot pa sa 18-buwan bago ilabas ang bakuna kontra COVID-19 upang mapahinto na ang paglaganap pa nito sa mundo. Bulong ng mga eksperto: pagaralan sana nila kung papano gumaling ang mga nai-ulat na nagpositibo sa COVID-19.

Dapat alamin nila kung papano sila nakapag-recover upang ang proseso ay puwede ring gamitin ng ibang pasyente. Sinasabi ng WHO na ang upak ng COVID- 19 ay mas malala pa sa upak ng terorismo kaya iisa lang ang maaring pamuksa dito – pagkakaisa, kaalaman at kalinisan o ingat-kalusugan.

Salamat sa Diyos at wala pang naitalang “local transmission” dito sa ating bansa. Kaya, que ano pa man ang katawagan sa naturang sakit na ito…iisa ang katotohanan na di na mababago ….na ito ay nakakamatay na dapat magkaroon ng lunas sa madaling panahon. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon