Itinuwid ni Mayor Mauricio Domogan ang mga negatibong reaksyon ng mga mamamayan sa Muslim community sa lungsod bunsod ng kamakailang kumalat na pananakot at pagbabanta matapos na sinunog ng ilang rebelde ang dalawang trak ng isang kompanya ng minahan.
Pinagsabihan ng mayor ang mga tao na nagpakalat ng maling impormasyon na agad sinisi ang mga Muslim sa naganap na insidente sa Philex Mining Corporation at bantang pagpapasabog ng Abu Sayyaf sa SM Baguio.
“Hindi naman lahat ng Muslim dito sa Baguio ay masama, may mga ibang Muslim na ang pakay nila dito ay mag-aral o maghanap-buhay,” aniya.
Nauna rito ay nauna nang pinabulaanan ng mga lokal na opisyal at kapulisan ang diumano ay presensya ng Abu Sayyaf at banta ng terorismo sa lungsod. Giit ng mga ito ay nananatiling payapa ang pangkalahatang sitwasyon ng Baguio.
Sa naganap na peace forum na inorganisa ng Islamic Group sa pangunguna ng Sinar Association kasama ang mga opisyal ng lungsod at National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) sa Baguio City, Multi-Purpose Hall noong Pebrero 12 ay iginiit ng mayor na kailangan ng pagkakaisa upang matamo ang kapayapaan.
Ngunit hinimok niya rin ang mga Muslim na huwag ihiwalay ang sarili mula sa ibang mga grupo at samahan sa lungsod.
Aniya, sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala at kultura ay pare-parehong nilalang ang bawat isa.
Ang peace forum na may temang “Muslim on Peace and Harmony” ay dinaluhan ng mga kalahok mula sa Baguio at La Trinidad. Nakibahagi rin sina Baguio Rep. Mark Go, city police office operations unit chief Police Chief Inspector Johnny Balaki, NCMF Director Abdullah Macarimpas, Islamic lecturer Imam Bedejim Addulah at mga miyembro ng Almaarif Educational Center at Baguio Islamic Women Association.
Nangako naman ang Muslim community ng suporta sa mga programang pangkapayapaan ng lokal na pamahalaan. Ma. Carmina Lipio, UB Intern / ABN
February 18, 2017
February 18, 2017
September 22, 2023
September 22, 2023
September 22, 2023
September 22, 2023
September 22, 2023
September 22, 2023