New Normal… Kailan pa kaya?

Kailan kaya ang new normal? Ito ang isa sa pinakamahirap na tanong na naghihintay ng sagot. Kailan kaya ang new normal? Kung sa mga nerbiyoso…tiyak ang sagot aysus maryusep may katapusan pa ba ito? Para naman sa malakas ang pakiramram, maghintay ka lang.

Doon naman sa mga banas na, bahala siya yang Covid na yan. At para sa mga kalmanteng may paninindigan, kahit kailan pa ang termino ni Covid-19 sa ‘Pinas…hindi na mahalaga.

Ang pinaka-importante ay ang ating pagiingat at alaga sa sarili. Tama ka, pards. Kahit litanya pa ng mga pag-iingat at dalangin ang iyong bala kung hindi mo nailagan si Covid-19…todas ka. Di ba may mga bakunadong namatay din?

Sabi ng mga damatan: kung oras mo na..kukunin ka na ni kamatayan nang walang preno. Kaya kahandaan ang iyong bala. Ang kaso, sa kasalukuyan, marami na ang pilosopo.

Di ba may nagsasabi na kung magaling lang sana ang doctor…buhay pa ang pasyente. Meron pang bigwas: naku kung naitakbo sana sa pagamutan, tiyak buhay pa. at marami pang daplis hinggil sa kaligtasan.

Pero balik tayo sa kasabihan ng mga gurang, este, matatanda: kung oras mo na, oras mo na talaga. Pero teka, pards…may mga galit sa mundo na ang dalangin ay matepok na sana si ganito at si ganun…pero sa swerteng mana niya mula kay ‘Tanas…takot yata ang kabaong sa kanila, eh. Tuloy, kapag may alitan, may bago na silang nauusal na dalangin: sana tamaan ka ng Covid-19!

Pero kalian kaya ang new normal? Heto na tayo sa survey. Marami ang nagsasabing malapit na. Kasi kumunti na ang nagpopositibo sa NCR. Bakit NCR? Kasi naging sentro ito sa dami ng mga tinamaan ng virus mula pa noong nagsimulang manalasa ang Covid-19 . Kasi nga naman, kumpara sa ibang rehiyon, ang NCR ay may malaking papulasyon.

At isa pa, dagdag nila: parang nakararami yata ang mga pasaway sa lugal na ito kumpara sa ibang rehiyon. In short, baka mas marami talagang pasaway doon.

Daplis naman ng ilan: eh, bakit sa mga liblib na lugal, may Covidpositive na rin? Isa lang ang ating hinala riyan, pards. Baka may umuwi o dumalaw sa lugal na yan galing sa maku-covid na destino. O baka naman may taga-maliblib na nadalaw sa matao.

Ganyan lang kasimple at idagdag mo pa yaong mga nagpositibo na nga, gumagala pa rin at lumalabag sa protocol…at mga nagpositibo na itinatago ang tama.

Kung bakuna ang usapan, kudos sa ating pamahalaan, ganon din sa ating masang tumatangkilik dito. Nariyan na ang mga paghihigpit gaya ng “No vax-no ride”. Naghigpit din sa mga patrabahuan. May mga ultimatum pa inilabas upang mahikayat ang lahat na magpabakuna.

Katunayan, ibinukas na ang bakunahan sa edad- 12 hanggang 17 at bubuksan na rin para sa edad 5-11 nitong Pebrero. May mga lugal na bahay-bahay na ang pagbabakuna sa mga bed-ridden. May bakunahan na rin sa mga piling botika at mga terminal ng mga PUVs.

Lahat ay ginagawa na. Pero bakit may mga ayaw pa ring magpabakuna? May mga rasones sila. Haayy buhay…tanggap na ang mga rasones na ire, pards.

Pakiusap na lang po naming sa inyo…ayusin ang kalusugan upang di makapanghawa. At bilang panghuli, inuulit natin ang panawagan ng mga eksperto, hindi lang mga pulitiko: “huwag magpakampante” at lalong “huwag magtanggal-panty” baka lalo tayong magka-covid pare. Adios mi amor, ciao mabalos.

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon