New police clearance system, mas mabilis ang proseso

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, LA UNION – Inilunsad kamakailan ng City Police ang bagong police clearance system, isang web-based database software application na may layuning kilalanin at resolbahin ang mga krimen nang mas mabilis at madali na nakalagay sa istasyon sa Barangay Tangqui, dito sa lungsod.
Sa ilalim ng bagong PNP clearance, ang mga criminal record ng aplikante ay madaling makita sa PNP e-Warrant upang masiguro na ang mga aplikante ay walang standing warrant of arrest, convicted, under probation o pending case.
Ayon sa bagong polisiya, ang tinatayang processing time ay pinaikli sa 30 minuto mula sa tinatayang mahigit isang oras.
Ang sistema na pinangalanang Police Clearance LANI (Locally and Nationally Integrated) ay isang web-based design na magbibigay serbisyo at centralized issuance ng clearance mula sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad.
Ang lahat ng datus na nakalap at naimbak sa PNP clearance database (PNP main office) na nakalista sa Data Privacy Act of 2012 at lahat ay confidential na nakatago at hindi magagamit ng third-party persons kundi mga otoridad lamang na may tamang authorization.
Ang PNP online clearance system ay lightweight (minimalist) web application na buong nagawa sa PHP at JavaScript. Ito ay ad-free site at hindi naka-link o nakadirekta sa external sites, ayon sa deskripsiyon ng system.
Maliban sa police clearance, inilunsad din ang iba pang systems tulad ng case management and analysis system, ang case information and database management system, ang ‘e-Rogues Gallery’ at ‘e-Warrant’ system, at ang crime information reporting and analysis system.
Ang polisiya ng bagong system ay mandato ng Philippine National Police sa pamamagitan ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM). E.BELEO / ABN

Amianan Balita Ngayon