NFA-Kalinga naglabas ng 2,700 sako ng bigas para sa COVID-19 relief

TABUK CITY, Kalinga – Naglabas ang National Food Authority (NFA) provincial station dito ng 2,700 sako ng bigas sa mga local government units para sa kanilang COVID-19 relief operation.
Sinabi ni Assistant Provincial Manager Johnny Moldero na 1,400 sako ay nakalaan sa probinsiya, 500 sako sa munisipalidad ng Rizal, 500 sako sa munisipalidad ng Pinukpuk at 300 sako sa Lubuagan.
Ang mga naipamahaging bigas ay galling sa NFAKalinga calamity rice allocation na nagkakahalaga ng PhP1,250bawat sako.
Sinabi ni Moldero na bukas ang kanilang opisina sa karagdagang hiling mula sa mga LGU na nais pumasok sa isang memorandum of agreement sa kanila.
Siniguro ni Moldero na may sapat na buffer supply ang probinsiya sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19. Kasalukuyan ang pagkiskis para sa 68,800 sako ng palay na binili. Makakagawa ito ng 44,000 sako ng bigas at karagdagang 1,594 sako sa kanilang warehouse.
Ang probisyon sa murang de-kalidad na bigas ay isa sa ilang responde ng gobyerno upang mapaginhawa ang mga apektado ng COVID-19 na pandemya, ani Moldero.
Samantala ay sinabi ni Engr. Domingo Bakilan, provincial agriculturist ng Kalinga na halos panahon na ng anihan sa Munisipalidad ng Rizal kasabay ng mais. Ang pagpasok ng suplay ng bigas ay magpapatuloy dahil ang mga truck na nagdedeliver na mais sa labas ng probinsiya ay bigas ang kanilang karga pagbalik. Kaya nakakatulong ito sa pagdami ng ating stock, ani Bakilan.
Mag-aani rin ang mga magsasaka sa bandang itaas ng rehiyon ng Kalinga sa Hunyo. Upang matulungan ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang produkto sa panahon ng ECQ ay hinikayat ni Engr. Bakilan ang mga magsasaka mula Rizal na ibenta ang kanilang produkto sa Tabuk City para maiwasan na pumunta sa mga probinsiyang apektado ng COVID-19.
Pinayuhan niya ang mga magsasaka na bawasan ang gastos sa pagsasaka sa panahon ng ECQ, gamitin ang sistema ng “saboy” o “pinurwak” (direktang pagpupunla) upang makamenos sa labor inputs – paghahanda ng seed bed, paghugot ng punla (sika) at paglipat ng tanim. Subalit hindi ito rekomendado para sa hybrid rice seed dahil masyadong mahal ang variety.
JDP-PAB-LL-PIA-Kal./PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon