“Ngipin sa ngipin, putik sa putik…yan ang pulitika sa Pilipinas.”

Editorial

Ang negatibong pangangampanya ay isang proseso ng sadyang pagpapakalat ng negatibong impormasyon tungkol sa isang tao o isang bagay na makakasira at magpapalala sa imahe o reputasyon ng tinutukoy sa publiko at ang pangkaraniwan at parang mas mapanghamak na termino para sa ugaling ito ay paninirang-puri o pamumukol-putik.

Ang sinasadyang pagpapakalat ng gayong impormasyon ay maaaring udyok ng masidhing kagustuhan ng nangangampanya (tumutuligsa) upang balaan ang iba laban sa totoong panganib o mga depekto at kakulangan ng taong tinutukoy, o mapandayang mga ideya ng mga pamamaraan upang manalo sa pulitikal, negosyo o ibang pitak ng kompetisyon laban sa tapat na karibal.

Subalit kung ang paninirang-puri na mga pahayag ay mapatunayang totoo, ay kinukuha ng paninirangpuri ang moral na dimensiyon ng isang kalaban na nagsisilbi sa mas lalong ikabubuti ang tungkulin nito sa pagbubunyag ng kahinaan ng kandidato.

Ang negatibong pangangampanya sa pamamagitan ng paninirang-puri ay pangkaraniwan na lamang sa pulitika sa Pilipinas kaya tila naging normal na ito kahit pa kawalan-asal ito. Ang lansakang batuhan ng putik mula sa mga kandidato na nagnanais masiguro ang panalo sa eleksiyon ay kalimitang nangyayari sa panahon ng kampanya.

Gayunman, dito sa Pilipinas, ang pagbato ng makasagisag na putik sa isang kilalang malakas na kakompetensiya ay maagang nag-uumpisa, kahit hindi pa idinedeklara ng Commission on Elections ang opisyal na panahon ng kampanya.

Ang palitan ng paninirang-puri ay maaaring maging malupit na ang mga may matitibay na sikmura lamang ang makakatagal. Tunay na ang pulitika sa Pilipinas ay hindi para sa mahihina ang puso at maninipis na sikmura, kailangang maging galang ang bituka mo kung gusto mong manatili sa larangang ito. Idagdag mo pa na kailangan ding makapal ang mukha mo.

Sinasabi ng ilang estratehista na ang epekto ng negatibong pangangampanya ay habang nauudyukan ang salalayan ng suporta ay maaaring ihiwalay ang makasentro at hindi pa nakapagdesisyon na mga botante mula sa prosesong pulitikal at nagpapababa sa bilang bumoto at nagiging radikal ang pulitika.

Sa isang pag-aaral ukol sa kung paano naaapektuhan ng negatibong pag-aanunsiyo ang prosesong pulitikal ay natuklasan na isang bunga ng negatibong pangangampanya ay mas malubhang diskriminasyon sa imahe ng mga kandidato at mas matinding mapanghiwalay na pag-uugali.

Habang ang positibong pag-aanunsiyo ay nakakaambag din sa diskriminasyon ng imahe at mapanghiwalay na pag uugali, nakita na ang negatibong pangangampanya ay gumaganap ng isang mas maimpluwensiyang papel sa diskriminasyon at paghihiwalay kaysa positibong pangangampanya.

Ang batuhan ng putik sa panahon ng mga kampanya sa eleksiyon ay napakakapal na pinalalabo nito ang totoong mga isyu na kailangang malaman at maintindihan ng mga botante upang makapamili sili ng karapat-dapat at pinaka-kuwalipikadong mga kandidato para sa mga mahalagang puwesto.

Kailangan pa nating makakita ng mga kampanya na base sa mga plataporma sa pamumuno ng mga kandidato na nagiging popular sa lokal at pambansang halalan. Hindi pa tayo nakaranas ng isang halalan na hindi nagbabatuhan ang mga pulitiko ng dumi at mga sima laban sa isa’t-isa na kung minsan ang bangayan ay maaaring maging mapusok – humahantong sa asasinasyon at pananambang.

Wala ng pinakapaborito siguro at napapanahong puntirya ng paninirang-puri ang nakaupong Pangulo lalo na kung papalapit na ang susunod na halalan. Ito ngayon ang nangyayari sa pagitang ni Pangulong Rodrigo Duterte at mga kalaban niya sa pulitika at mga masidhing kritiko na nagnanais mabawi ang kapangyarihan at Palasyo sa kaniya.

Ngunit para sa isang Pangulo na kilalang may maanghang na bibig at prangka, ang mga pagtuligsa at batikos ay binubuweltahan din niya, minsan ay baka mas malala pa.

May matandang kasabihan tayo na “bago mo pahirin ang dungis ng iyong kapuwa ay pahirin mo muna ang putik sa iyong mukha”, hindi maaaring batuhin natin ng putik ang ibang tao kung mayroon naman tayong putik sa sarili natin – isang simpleng lohika

Naging isang palagiang tampok na ang paninirang-puri sa ating politikal na kalatagan na animo’y nagiging libangan na. Wala ng pinipiling panahon at pagkakataon na kahit pa sa gitna ng isang pandemya ay walang tigil ang mga magkakaibayo sa pulitika sa bangayan na sa halip na magkaisa muna at maging mahinahon upang hindi lalong mag-udyok ng pagkakahati-hati ng mga Pilipino ay nangingibabaw pa rin ang mga pansariling interes at ambisyon.

Lahat ng nag-aambisyon sa posisyon ay sumisigaw ng pagbabago, ngunit tila nakaligtaan nila na ang pagbabago ay nasa kanila pala – sila ang dapat magbago ang mga politikong hininog na ng kanilang ambisyon.