OLDEST PHOTOGRAPHER PATULOY ANG HANAPBUHAY SA BURNHAM PARK

Photo Caption: Si Dominador Mendoza,Sr., 75 taong gulang na matiyaga pa rin sa kanyang hanapbuhay bilang photographer sa Burnham Park,Baguio City.

Photo by Keith Ann Sajor/ABN


 

BAGUIO CITY

Sa kabila ng pagsulpot na mga hitech na kagamitan,lalo na sa photography,na karamihan gamit ng mga turista ay kanilang smartphone, na siyang nagpahina ng kabuhayan ng isa sa pinaka matandang photographer sa Burnham Park, Baguio City. Si Dominador Mendoza,Sr.,75, ang
pinakamatandang photographer sa Burnham Park, ay hindi nawalan ng pag-asa para ipagpatuloy ang kanyang kabuhayan sa loob ng 51 taon, dahil gumagamit na rin siya ngayon ng digital camera para maka-akit ng kostomer.

Ayon kay Mendoza, noong hindi pa uso ang digital, ay mahigit sa 60 silang photographer sa parke, subalit mula ng mauso ang digital camera o mga smart phone at iba pang gadgets na may kinalaman sa photography, ay unti-unti nawawala ang kanyang mga kasamahan,na ngayon ay nasa 20 na lamang. Nagsimula umanong maging kabuhayan ni Mendoza ang pagkuha ng litrato sa parke
noong 1972, gamit ang tradiyunal na film camera, na naging “bread and butter” niya para buhayin ang pamilya at mapag-aral ang mga anak.

“ Noong kalakasan namin, ay libo ang kinikita ko,pero ngayon ay nasa P300 hanggang P600 na lamang,pero kapag dagsaan ng turista ay umabot sa P800 kada-araw. Okey na rin ito, kahit papaano ay may panggastos pa rin sa bahay,”pahayag ni Mendoza. Aniya,malaking tulong sa
kanyang hanapbuhay ang mga props at Igorot costume na inaarkila ng turista at gusto nila ay magandang litrato na souvenir,kaya nakakasingit silang mga photographer.

Ayon sa kanyang anak na si Irene, may depression ang kanyang ama at hindi nila maawat ito sa kanyang ginagawa. “Ayaw niyang nakatambay lang sa bahay, dahil manghihina lang daw siya sa
kanyang katandaan, kaya mas mainam daw na nasa labas siya na may ginagawa at nalilibang.”

Keith Anne Sajor-UB Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon